Abante Tonite Interactive

Comelec nagtipid sa SD card, bilangan pumalpak

0 375

Kinuwestiyon ni Senador Panfilo ‘Ping’ Lacson ang pagtitipid ng Commission on Elections (Comelec) sa pagbili ng mga Secure Digital (SD) card na nagdulot ng kapalpa­kan sa pagbibilang ng mga boto sa katatapos lang na halalan.

Nagkaroon ng aberya sa bilangan kung saan, maging ang Comelec ay sinisi sa mga supplie­r ng binili nilang mga SD card kung bakit naantala ang pagta-transmit ng mga election return.

Ayon kay Lacson, kailangang ipaliwanag ng Comelec ang mga isyung katulad ng paglipat ng ahensya sa “simultaneous transmission” ng data mula sa precinct level bago sa transparency server ng komisyon.

Ipinagtataka ito ni Lacson kung kaya’t dapat aniyang magpaliwanag ang Comelec.

Nais malaman ni Lacson kung sino ang komokontrol sa transparency server ng Comelec at kung para saan ito ginagamit.

“Election 2019: from simultaneous transmission at precinct level to a newborn animal called transparency server a.k.a. traffic controller. Why?” ayon sa Twitter post ng senador.

Samantala, nagbanta si Comelec Commissioner Rowena Guanzon na hindi nila babayaran ang mga supplier ng pumalpak na mga SD card.

Irerekomenda umano ni Guanzon na huwag muna bayaran ang S1 Technologies Inc. at Silicon Valley Compu­ter Group, na siyang supplier ng mga SD card dahil marami sa mga ito ay na-corrupt.

“This is my personal view. The supplier of the SD cards, we won’t pay them fully. I also want the procurement process reviewed, as well as their delivery of the SD cards. Because that was the real culprit,” ani Guanzon.

Batay sa mga ulat, nasa 1,665 (1.9%) mula sa 85,769 na biniling mga SD card ang depek­tibo at kinakailangang palitan matapos magloko habang sa kasagsagan ng botohan noong Lunes.