Abante Tonite Interactive

Comfort room sa kanipaan

345

Muling nahati ang sambayanan sa isyung kinasangkutan ng isang transgender na pinahiya at kinaladkad sa Farmers Plaza sa Cubao, Quezon City.

Ang SOGIE bill na hindi nakapasa sa 17th Congress, mu­ling pinag-usapan sa Senado kung saan nagbigay ng kanya-kanyang opinyon ang mga lalaking senador. Isa sa nagkomento ay si Senate President Vicente Sotto III na gawing ‘homo sapiens’ ang mahabang initials ng LGBTQI o lesbian, gay, bisexual, transgender, queer at intersex.

Maging sa social media, mainit din ang paksa kung dapat bang magkaroon ng sari­ling comfort room ang mga LGBTQI. May mga kilalang personalidad ang kontra na pagamitin sa ladies room ang mga bading dahil may lawit pa rin daw ang mga ito.

May mga nagsasabi din na mahal daw ang magpagawa ng sariling comfort room para sa LGBTQI. Sa lahat ng parte ng building, ang CR ang pinakamahal.

Habang nagdedebate ang marami kung dapat magkaroon ng hiwalay na CR ang LGBTQI, marami naman sa ating mga kababayan ang walang magamit na palikuran. Sa Tondo lang, marami pa rin ang nagbabawas kung saan puwedeng magkubli.

Sa Visayas at Min­danao kung saan marami ang mahihirap, sa mga puno lang ng nipa, na kung tawagin nila ay kanipaan, doon lang sila nagbabawas. Kaya nga tumataba ang mga kagang at alimango ay dahil sa ginagawa nilang pagkain ang dumi ng tao.

Sa ibang lugar naman, sa ilog lang nagbabawas kaya naman marami ang nadadale ng diarrhea o iba pang sakit kapag nainom ang tubig sa ilog na kontaminado ng ebak. Sana lang naman, kung isusulong nila ang SOGIE bill o Se­xual Orientation and Gender Identity Expession bill, isulong din nila ang pagkakaroon ng palikuran ng bawat pamilya sa bansa.

Kung mahirap itong gawin, wala naman sigurong imposible kung pagtutuunan ito ng pansin ng mga mambabatas at ng ehekutibo.