Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Community Pantry sa Taguig

0 550

Nang umusbong ang mga community pantries sa maraming parte ng Metro Manila at iba’t ibang parte ng bansa, isa ang lungsod ng Taguig sa mga nakiisa at sumuporta sa pakikipagtulungan sa ating kapwa Pilipino.

Isang katangi-tanging community pantry program na gusto nating bigyan ng komensasyon ay ang ginawa ng Taguig Sangguniang Kabataan o SK at mga youth volunteers.

Kumpara sa karamihan ng community pantries, kakaiba ang ginawa ng Taguig SK dahil ang mga donasyon na kanilang natatanggap ay ginagamit upang bumili mula sa mga maliliit na negosyo sa mismong barangay o komunidad kung saan binabahagi ito.

Nakwento sa akin ng ating mga SK na nais nilang magtayo ng mga pantries ngunit gusto rin nilang tumulong sa mas nakararami nilang mga kasamahan sa komunidad tulad ng mga carinderia, maliliit na restaurants at sari-sari stores.

Patunay ang Taguig SK community pantries na bayanihan pa rin ang nangingibabaw sa gitna ng pandemya. Ito ay hindi lamang pagbibigay ng karagdang ayuda sa mga naghihirap nating kababayan. Suporta rin ito para maisalba ang kabuhayan ng mga local vendors sa lungsod sa pamamagitan ng pagbili ng kanilang mga paninda para mailagay sa mga community pantries.

Itinuturing natin itong biyaya at nagsisilbing oportunidad sa mga mamamayan na nais tumulong sa kanilang kapwa.

SM SuperKidsDay Banner Ad

Nakakagalak na nagkusa ang ating mga kabataan na magtayo ng holistic at sustainable na community pantries sa lungsod. Kahit sa napakabata nilang edad ay malaki na ang kanilang naging responsibilidad at kontribusyon sa bayan at malasakit sa kanilang kapwa.

Sa ngayon ay may higit 28 community pantries na ang itinayo ng mga SK sa iba’t ibang mga barangay sa Taguig upang mag-abot ng tulong sa mga Taguigeños.

Para matiyak na ligtas at hindi magiging sanhi ng pagkalat ng COVID-19 ang mga community pantries, sinisiguro ng lokal na pamahalaan na ang mga pumupunta dito ay mahigpit na sumusunod sa health at safety protocols tulad ng physical distancing at pagsuot ng face masks at face shields.

Bukod sa mga ganitong proyekto, suportado ng lungsod ang iba pang programa na tumatangkilik sa mga lokal na negosyo kabilang na ang Taguig Community Markets sa bawat barangay upang hindi na mahirapang mamalengke ang mga Taguigeños.

Patuloy din ang implementasyon ng mga programa sa lungsod na financial assistance para sa mga sektor na matinding naapektuhan ng pandemya at house-to-house distribution ng stay-at-home food packs para sa bawat pamilyang Taguigeño at mga may sakit.

Nananatili ring agresibo ang lungsod sa testing nito at tuloy-tuloy ang pagbabakuna sa mga frontline health workers, senior citizens at persons with comorbidities na kabilang sa priority list ng lungsod.

Ang likas na katangiang Pilipino na pagbabayanihan at pagtutulungan ang siyang aakay sa atin upang tuluyang makabangon ang ating bayan at tapusin ang pandemyang ito.

Leave A Reply

Your email address will not be published.