Abante Tonite Interactive

Compton, Victolero dikdikan sa unang PBA crown

By
0 367

Finals Game 1 ngayon: (MOA Arena)
7 pm – Magnolia vs Alaska

Tapos na ang higit dalawang linggong pagre-recharge at pagbusisi sa mga dapat ayusin, umpisa na ng pagtutuos ng Magnolia at Alaska para pag-agawan ang PBA Governors’ Cup title.

Game 1 ng best-of-seven Finals series ng season-ending conference mamayang gabi sa MOA Arena.

Pagkatapos ng serye na inaasahang masasagad at matatapos ilang araw bago ang Pasko, isa kina Alex Compton ng Aces at Chito Victolero ng Hotshots ang magtataas ng unang tropeo sa pro league.

Talo si Compton sa unang apat na biyahe sa title playoffs. Bigo si Victolero sa unang subok nang iwasiwas ng San Miguel Beer sa huling Philippine Cup.

Hahabulin ng Aces ang 15th crown overall, nakatanaw ang Hotshots sa 14th.

Nakapitong beses nang nagtatagpo sa Finals ang dalawang prangkisa, pero huli ay noong 2010 pa nang walisin ng dating Purefoods na giniyahan ni coach Ryan Gregorio ang Alaska ni coach Tim Cone 4-0 sa All-Filipino. Lamang ang Magnolia sa head-to-head, 4-3.

Sina Sonny Thoss sa Alaska at PJ Simon sa Magnolia na lang ang naiwang players sa huling championship showdown.

Wala pang titulo ang bagong cast ng Aces na sina Vic Manuel, Chris Banchero, Simon Enciso at Ping Exciminiano pati sina Kevin Racal at Jake Pascual, dagdag na si rookie Jeron Teng.

Dagdag-motibasyon kay Manuel ang sinabi sa kanya ni Compton pagkatapos ng semis. Magkasama silang 0-4 sa Finals.