Abante Tonite Interactive

Con-Ass sa ChaCha plantsado na

By
11

Kinumpirma ni Senate President Aquilino Pimentel III ang pinaplano ng dalawang kapulungan ng Kongreso para mag-convene bilang Constituent Assembly (Con-Ass) at bumalangkas ng bagong Konstitusyon.

Partikular dito ang isinusulong ni Pangulong Rodrigo Duterte na federal system form of government.

Ayon kay Pimentel, bagama’t wala pang pormal na kasunduan, ito’y itinuturing na “agree in principle”. Aniya pa, sa katunayan isa ito sa mga prayoridad ng Senado sa pagbubukas ng kanilang second regular session.

“Wala pang formal agreement pero in principle agree ako,” ayon kay Pimentel.

Una nang sinabi ni House Speaker Pantaleon Alvarez na handa na ang Kongreso na mag-convene bilang Con-Ass para masimulan na ang pagbalangkas ng Charter Change na siyang magbibigay daan para sa isang federalismong uri ng pamahalaan.

Posibleng mangyayari umano ito sa Enero o Pebrero ng susunod na taon.

Mismong si Pangulong Duterte ang nagtutulak ng federal form of government bilang solusyon sa problema sa Mindanao.