Abante Tonite Interactive

Concert producer idedemanda ng estafa

468

Isang araw, pagkatapos ng mahabang panahon ng singilan, ay huwag na tayong magulat kapag may nagdemanda ng estafa sa isang kilalang concert producer.

Hindi barya-barya lang ang sangkot sa usa­ping ito, ilampung milyon, nagtiwala ang namuhunan na sumosyo sa isang malaking concert na pinagbibidahan ng isang sikat na international singer.

Abangan na lang natin ang mga susunod na kuwento tungkol sa isyu.
***

Female personality walang paki sa hiwa ng face

Maraming personalidad na nagpaparetoke na itinatago ang pagpapaopera-pagpapagalaw sa kanilang mukha at katawan. Pitikin man sila sa ilong ay tigas ang kanilang pagtanggi, hindi raw pinakialaman ng si­yensiya ang anumang bahagi ng kanilang katawan, natural daw ‘yun.

Kabaligtaran nu’n ang isang female personality na parang nagkukukot na lang ng butong-pakwan kung magparetoke, parang simpleng bagay na lang para sa kanya ang mga saksak ng heringgil­ya, para na lang siyang naglalaro.

Kuwento ng isang source, “Nakakaloka ang babaeng ‘yun! Alam niya naman na kalalabas pa lang niya ng clinic kung saan siya nagpasalamat po, doktor, pero parang wala lang sa kanya ‘yun!

“Tama, naka-face mask nga siya, pero nag-iikot pa ang hitad! Nagsi-shopping pa! Hindi siya natatakot na baka any moment, e, maimpeksiyon ang prosesong ipinagawa niya!

“Napakalakas ng loob ni____(pangalan ng babaeng personalidad), nang magsabog ng katapangan ang mundo, e, nagtanggal siya pati ng bubong ng bahay niya, kaya ‘yan ang nasambot niya, sobrang lakas ng loob at katapangan!

“May nakakita nga sa kanya, pansin na pansin pa ang hiwa sa face niya, lumalabas siya kahit fresh pa ang mga sugat niya dahil sa pagpaparetoke!
“Ang ibang artista nga kapag nag-a-undergo ng retoke, e, nagkukulong sa bahay, talagang hindi sila nagpapakita kahit kanino, itinatago nila ang milagrong pinagdaanan ng beauty nila!

“Pero ang female perso­nality na ito, tanging­ face mask lang ang armas niya, parang ipinagbabanduhan pa niya na nagparetoke na naman siya! Napakalakas talaga ng loob niya,” manghang pagtatapos ng aming source.
***

Vice ligtas sa barubal na basketbolista

Komento ng mga becki ay ipinag-aadya pa rin ng kapalaran si Vice Ganda. Mabuti na lang daw at tapos na ang kuwento ng romansa espesyal nila ng bruskong basketbolistang si Calvin Abueva.

Pinatawan ng indefinite suspension ng PBA ang basketball player hindi lang dahil sa pananakit sa kanyang mga kapwa basketbolista, kasama rin sa isyu ang pambabastos nito sa mga miron, pati ang kawalan ng respeto sa mga opisyal ng PBA.

Komento ni prop, “Buti na lang! Mabuti na lang at maagang nagising sa katotohanan si Vice! Dahil kung hindi, e, siya na naman ang maba-bash nang husto sa ipinakikitang ugali ni Abueva!

“Siya na naman ang mapuputukan, ang sasa­bihin na naman ng mga bashers, e, pinalaki niya kasi ang ulo ng palabal­yang player na ‘yun! Si Vice na naman ang may kasalanan, siya na naman!” sabi ng kaibigan naming propesor.

Magaling na player si Abueva, pero ang tatak nito bilang barubal na manlalaro ay kakambal na ng kanyang pangalan, para rin itong tsismosong kapitbahay na nakikipagtalakan sa mga miron ng basketball.

Pahabol pa ni prop, “Mabuti na lang at duma­ting si Ion Perez sa buhay ni Viceral, dahil kung hindi, e, baka sila pa rin ng bastos na player na ‘yun na akala mo kayan-kaya­nan niyang lahat ang mga players ng PBA!

“Good for him, serves him right! Mabuti nga at pinatawan siya ng indefinite suspension para kahit paano naman, e, may leksiyon siyang matutuhan!

“Napakaangas ni Abueva! Ginagawa niyang boxing arena ang hardcourt! Buti na lang at nakaiwas sa kanya si Vice Ganda!” inis na komento uli ni prop.
Mismo!