Abante Tonite Interactive

Condonation program ng NHA

By
154

Likas sa ating mga Pinoy ang pagiging madasalin. Matatag sa mga pagsubok. May positibong pananaw sa buhay. Nananalangin at lumalaban.

Ganito po ang nararamdaman ng kababa­yan nating may natutulugan ngang maayos na bahay, pero hindi naman mapikit ang mga mata sa pangambang bukas-makalawa ay baka bawiin na sa kanila ang mga tinitirhan nila dahil sa pagkakabaon o hindi pagbabayad sa programang pabahay ng pamahalaan.

Kaya nga po panibagong pag-asa ang hatid sa kanila ng inilunsad na condonation and restructuring program ng National Housing Authority (MHA) bilang solusyon sa kanilang problema.

Bago po ito, mara­ming homeowners’ association sa mga hou­sing project ng NHA ang umaapela na mabigyan sila ng amnestiya mula sa mataas na interes at penalty sa hindi nila pagbabayad sa oras.

Ano po ba ang mga dahilan kung bakit hirap pa rin ang mga benepisyaryong ma­kabayad sa P200 buwanang bayad sa NHA gayung napakababa na nga naman nito kung tutuusin?

Huwag po na­ting pagdudahan ang kababayan natin. Hindi po nauubos sa sugal o anumang bisyo ang pera nila. Gustong-gusto po nilang makaraos sa pagbabayad sa tinitirhan nilang bahay pero nanunukso naman po ang pagkakataon. Siyempre, mas uunahin ng mga benepis­yaryong magulang na pakainin ang mga anak nila kaysa ibayad ito sa NHA.

Unawain po natin na karamihan sa mga benepisyaryo ay nagmula sa malalayong lugar kung saan nandoon ang kanilang mga trabaho o pinagkakakitaan. Ang ibig sabihin, malaking bahagi ng kanilang sweldo ay nailalaan at nauubos sa pamasahe.

Pag minalas pa, ang mga nilipatan nilang pabahay ay walang supply ng tubig at kur­yente kaya puwersado silang gumastos para sa mga pangangaila­ngang ito. Paano ka nga naman kikilos kung walang tubig at kuryente?

Kaya nga po nagpapasalamat tayo dahil matapos ang deliberas­yon sa House Joint Resolution No. 9 ay pumayag si NHA gene­ral manager Marcelino Escalada na maglunsad ng condonation prog­ram.

Ang kondonasyon po ay ang pagbabawas sa obligasyon ng may mga pagkakautang sa pabahay. Ito ay maaa­ring pagbabawas o pagkakaltas sa lahat ng mga multa, bayarin at/o mga pinataw na bayarin bunga ng hindi pagbabayad ng tama sa panahon, at iba pang puwedeng ibawas upang mapaliit ang obligasyon ng mga may pagkakautang.

Ang restructuring o pagrereistraktura naman ay ang pag-aayos ng mga dapat bayaran ng may mga pagkakautang matapos kaltasin ang mga ibinawas na multa at interes sa kondonasyon, at mu­ling pag-aayos sa panahon ng pagbabayad batay sa bagong kasunduan at regulasyon.

Malaking tulong na po ito sa mga benepis­yaryo. Sa ganitong paraan ay makaka-alpas sila sa kanilang pasanin. Ang wish ko lang po, sana ay kumilos din ang mga kaugnay na ahensiya ng ating pamahalaan para ma-resolba ang mga ganitong problema sa mga programang pabahay ng gobyerno.

Sabi nga, wala namang mabigat na problema sa sama-sama at tulong-tulong na pagkilos, hindi po ba?