Abante Tonite Interactive

CONDOS SUSUYURIN SA DROGA

107

Puntirya naman ngayon ng Southern Police District (SPD) sa ‘Oplan Tokhang’ ang mga high-end condominium building’ habang patuloy pa rin ang operasyon sa ilang exclusive subdivision sa Lungsod ng Makati.

Ito ang pahayag kahapon ni SPD Director Senior Supt. Tomas Apolinario nang dumalo sa ika-50 taong anibersaryo ng National Police Commission (NAPOLCOM) sa Philippine International Convention Center­ (PICC) sa Pa­say City.

Sinabi ni Apolinario,­ ngayong buwan ng Set­yembre ay uumpisa­han na nila ang ‘Oplan Tokhang’ sa mga high-end condominium building sa mga lungsod na nasa hurisdiksiyon ng Southern Metro Manila, partikular sa Makati, Taguig City at Muntinlupa.

“Next target ay condos ‘yon ang plano namin. May mga initial coordination na kami and ang prospect namin ay sa Makati and Taguig”, ­ayon kay Apolinario.

Magugunitang nitong nakaraang linggo ay nagsagawa ng Oplan Tokhang ang pinagsanib na pwersa ng SPD, Makati City Police at pamahalaang lungsod ng Makati sa ilang exclusive subdivisions, tulad ng Forbes Park, Magallanes, Urdaneta at San Lorenzo  Villages.

Nabatid, na nasa 60 kabahayan ang kinatok kabilang ang bahay ng ambassador ng India at Oman at binigyan ng anti-illegal drug campaign materials ng pulisya.

Sinabi pa ni Apolinario, kahapon ay muli silang nagsagawa ng Oplan Tokhang sa Magallanes Village at San Lorenzo Village at hindi ibig sabihin aniya na ang mga bahay na kinatok ay nasa ‘drug watch list’.

Sa tala ng SPD, nabatid, na mula ng buwan ng Hulyo hanggang Setyembre ng taong kasaluku­yan, nasa 15,500 kabahayan na ang sinailalim sa Oplan Tokhang kabilang dito ang mga nasa exclusive subdivision; 10,800 ang mga sumuko, 1,200 ang inaresto at nasa 44 ang napatay sa operasyon ng pulisya.