Abante Tonite Interactive

Cone nanggigil sa Ginebra, Nambatac nag-ala Jordan

508

Inumpisahan ng Rain or Shine ang PBA Commissioner’s Cup sa 0-2, sa dalawang tao ay hinahanap ni coach Caloy Garcia ang laro ng locals niya lalo si Rey Nambatac.

Biyernes nang gabi sa Smart Araneta Coliseum, tumugon ang dating Letran star sa panawagan ng kanyang coach.

Pasabog si Nambatac ng career-high 30 points – 21 sa first half – para giyahan ang Elasto Pain-ters sa tambakang 104-81 panalo kontra defending champion Ginebra.

Anim na 3-pointers ang pinakawalan ni Nambatac sa first 24 minutes lang, may isa pa pagkatapos ng halftime. Overall ay 10 of 14 mula sa field ang 5-foot-10 guard na 7th pick ng Rain or Shine noong 2017.

Si Ginebra coach Tim Cone, kinastigo ang mga player dahil hinayaan daw sumabog si Nambatac. Ikinumpara pa ng grand slam coach ang second-year guard kay NBA great Michael Jordan.

“We let Nambatac be a Michael Jordan out there,” bulalas ni Cone. “He was everywhere doing what he wanted, hitting whatever shot he wanted and Denzel (Bowles) gave us all kind of problems.”

Dating player ni Cone si Bowles sa San Mig Coffee nang magkampeon sa parehong torneo noong 2014, grand slam year ng Coffee Mixers.

Mahalagang 25 points at 17 rebounds pa ang kontribusyon ni Bowles, umayuda ng 11 markers, 5 boards at 6 feeds off the bench si Javee Mocon at pinutol ng Painters ang back-to-back wins ng Gin Kings na nalaglag sa 2-2.

Sa kabuuan ay 11 for 34 mula sa labas ng arc ang Rain or Shine.

Sasakay ang Painters sa momentum ng mala-king panalo para pintahan ang pangalawang sunod na panalo kontra pilay na Phoenix sa Ynares Center sa Antipolo mamaya. (VE)