Abante Tonite Interactive

Cone tikom sa isyu kay Greg

717

Ayaw na munang magsalita ni Earl Timothy ‘Tim’ Cone tungkol sa biglaang pagpapahinga muna ni Gregory William ‘Greg’ Slaughter sa sa pagsiklab ng 45th Philippine ­Basketball Association Philippine Cup 2020.

Nag-abang ang mediamen sa ­unang practice ngayong taon ng Gin Kings nitong Miyerkoles sa ­Upper Deck Sports Center sa Pasig para makapanayam ang Barangay ­Ginebra San Miguel coach.

Pero sinalubong at pinaalam ni team manager Reyboy Rodriguez na hindi muna magpapaunlak ng interview sa mga reporter si Cone, kahit saang bagay, lalo na sa isyu sa kanilang seven-footer slotman.

Hindi na nasilayan si Slaughter sa practice, na base sa mga ­naunang report ay pumunta sa Amerika ­matapos ianunsyo ang hiatus sa PBA sa pamamagitan lang ng ­kanyang Twitter account. Umaasa aniya siya na makokonsidera ng National ­Basketball Association team scout.

Hangad naman ng Gins na ­makopo ang all-Pinoy na tanging wala pa sa koleksyon sa cabinet ni Cone at team sapul nang rendahan niya ang crowd favorite.

Inihayag ni bench tactician na kanyang kakausapin si Slaughter at susubukang kumbinsihing bumalik sa Ginebra pagbalik niya ng bansa mula sa pagbabakasyon sa Estados Unidos. (Ray Mark patriarca)