Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Cong palit-ulo sa Sinovac iimbestigahan – Galvez

0 231

Paiimbestigahan ng pamahalaan si Quezon Rep. Angelina `Helen’ Tan matapos nitong aminin na kabilang umano siya sa mga unang nabakunahan kontra COVID-19.

Ayon kay vaccine czar Secretary Carlito Galvez Jr., malinaw na nilabag ni Tan ang patakaran ng Inter-Agency Task Force (IATF) sa mga prayoridad ng mga tatanggap ng bakuna.

Pag-amin ni Tan, chairperson ng House committee on health, sa kanya itinurok ang Sinovac vaccine na nakalaan dapat sa kanyang panganay na anak na isang doktor sa Veterans Memorial Medical Center (VMMC).

Sinabi ni Galvez na klaro ang mandato ng gobyerno na dapat iprayoridad ang mga frontliner sa health sector.

Hindi rin aniya kabilang sa direktiba ng pamahalaan ang substitution o kapalit ng babakunahan.

“Wala pong directive na gano’n, mali po iyon. Lahat ng 1.7 million na frontliners ang dapat mauna,” giit ni Galvez.

Maging ang Malacañang nagpahayag na wala pang alokasyon ng bakuna para sa pamilya ng mga medical health worker.

“Hindi ko po alam kung ano iyong sinabi ni Congresswoman Tan. Ang alam ko hindi pa allowed na magkaroon ng allocation for family members,” ani Presidential Spokesperson Harry Roque.

Pero sinabi ng kalihim na isang medical doctor si Tan at lahat naman ng frontliner, private o public doctor man, ay kasama sa prayoridad ng mga mababakunahan.

Samantala, itinanggi ni Tan na special treatment ang pagpapabakuna nito laban sa COVID-19 sa VMCC.

“I primarily took it as a rightful allocation provided for my son who works as a surgeon at the VMMC,” ani Tan.

Sa ilalim umano ng immunization program ng VMMC, ang bawat kuwalipikadong empleyado ay pinagsumite ng listahan ng tatlong miyembro ng pamilya na nais mabakunahan.

Nagdesisyon umano si Tan na magpabakuna upang ipakita sa publiko na hindi dapat katakutan ang pagpapabakuna. (Mia Billones/Aileen Taliping/Billy Begas/Eralyn Prado)

Leave A Reply

Your email address will not be published.