Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Cong tinawag na sinungaling, doktor muntik ipakulong

0 144

Muntik nang makulong sa Kamara ang isang doktor matapos na akusahan nito ang isang kongresista na sinungaling.

Ang pagtawag ni Dr. Mark Dennis Menguita, isang neurologist, kay Magsasaka party-list Rep. Argel Cabatbat na sinungaling ay nag-ugat sa nagdaang pagdinig ng Kamara kaugnay pa rin sa korapsyon sa Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) kung saan inakusahan siya ng mambabatas na isa umano sa mga sangkot sa iregularidad sa ahensya.

Partikular na tinukoy ni Cabatbat na modus nito ay ang pagkuha umano ng recruiter na siyang hihikayat sa mga PhilHealth member, kahit wala namang sakit, na gamitin ang kanilang ‘free wellness program’ at ang kailangan lamang gawin ay matulog sa ospital para makakuha ng claim.

Mariin naman itong pinabulaanan ni Menguita nang humarap sa pagdinig kahapon at nauwi sa pagtawag nito kay Cabatbat na isang sinungaling.

“Sa lahat ng akusasyon sa akin ni Cong Cabatbat, dini-deny ko ang lahat ng mga ito. Ako ay inosente at ako ay biktima ng harassment. Pinag-ikot-ikot niya ang mga petsa ng mga pangyayari. Marami akong katibayan na siya ay nagsisinungaling at lahat yan ay sinubmit ko sa inyo. Nagsisinungaling siya sa Kongreso,” giit ni Menguita.

Dahil sa kanyang mga sinabi laban kay Cabatbat ay nagharap ng mosyon si House Minority Leader Benny Abante Jr. para i-cite in contempt si Menguita na inaprubahan ng komite.

Ngunit sa halip na ikulong ang doktor, sa pakiusap na rin ni Cabatbat ay inirekomenda nito sa komite na bigyan na lamang ng warning. (Eralyn Prado)

Leave A Reply

Your email address will not be published.