Abante Tonite Interactive

Cong Yap pinaralisa buong gobyerno

0 784

Nalagay sa malaking panganib ang buong gobyerno sa pangunguna ni Pangulong Rodrigo Duterte sa ginawa ni ACT-CIS partylist representative Eric Yap na positibo sa COVID-19 virus matapos na dumalo sa March 21 meeting ng mga legislative at executive leader sa Malacanang para pag-usapan ang budget para sa COVID.

Dahil dito, pinag-aaralan ng Presidential Security Group (PSG) ang pagsasampa ng kaso laban kay Yap dahil sa pagsisinungaling at hindi nito pagsunod sa mahigpit na patakaran sa pagpasok sa Malacañang.

Sinabi ni PSG Commander Colonel Jesus Durante na hindi inilagay lahat ni Yap sa pinirmahang health declaration from ang mga dapat malaman bago siya papasukin sa Palasyo, katulad na lamang ng pagkakaroon nito ng ubo at direct contact sa mga taong positibo sa COVID-19.

“Hindi niya dinevulge lahat, if really needed we could file a case against him for the breach nung ginawa niya. We have been implementing strict security measures,” ani Durante.

Lahat aniya ng pumapasok sa Malacañang ay dumadaan sa mahigpit na screening ng PSG subalit hindi sinunod ni Yap ang protocol na ipinatutupad ng PSG.

Kasama sa pulong ni Yap sina Executive Secretary Salvador Medialdea; Finance Secretary Carlos Dominguez III; Budget Secretary Wendel Avisado; Interior Secretary Eduardo Año; Presidential Peace Adviser Carlito Galvez Jr.; Social Welfare Secretary Rolando Bautista; at Senator Christopher Go.

Dahil dito, agad na sumailalim sa self quarantine ang mga nabanggit na opisyal at mga staff na kasama ng mga ito sa pulong .

“Kahit sino man ang pumasok dito sa Palasyo and we are letting them sign a health declaration form. Ang problema, itong si Congressman Yap, he did filled up the form but he didn’t declare na may contact siya with some people who are found positive. And he has cough and experiencing some symptoms, hindi niya lahat dineclare ito . So with that I dont see any lapses with the PSG but I still have it investigated,”dagdag pa ni Durante.

Hindi pa aniya nakikipag-ugnayan si Congressman Yap sa PSG pero nabasa na nito ang kanyang paghingi ng dispensa sa publiko.

Sinabi ni Durante na batay sa paliwanag ni Yap sa publiko, mayroon talaga itong direktang contact sa COVID positive pero dumalo pa rin siya sa pulong sa Malacañang na naglagay sa panganib sa lahat ng mga opisyal na nakasama nito sa pulong sa Palasyo.

“Hindi pa naman siya nakikipag-ugnayan but I have read his public apology dito sa nangyari. And yun nga from there, nakita natin sa explanation niya merong close contact with those found positive with the virus, and still umattend siya sa meeting at yun nga, involving other secretaries natin and it really endangers everyone sa loob ng Palasyo,” wika pa ni Durante.

Matatandaang ipinatutupad ng PSG ang `no contact policy’ kay Pangulong Rodrigo Duterte matapos para matiyak ang kaligtasan ng Presidente sa peligro ng COVID-19

Inutos na rin ni Pangulong Duterte sa mga nagkaroon ng physical contact kay Yap na sumailalim sa 14 day quarantine.

“We urge those who were in physical contact with him during the last two weeks to undergo the 14 day self-quarantine protocol for their protection,” ayon kay Presidential Spokesperson Salvador Panelo.

Sinabi pa nito na ipagdarasal niya ang kaligtasan ni Yap sa Covid-19. (Aileen Taliping/ Prince Golez)