Abante Tonite Interactive

Construction worker nalasog sa crane pulley

280

By Juliet de Loza-Cudia

Patay ang isang 23-anyos na construction worker nang mabagsakan ng crane pulley mula sa ika-30 palapag ng University Home Building na matatagpuan sa P. Margal kanto ng Dos Castillas St., Sampaloc, Maynila Linggo nang umaga.

Kinilala ni P/SSgt. Aaron Cortez, imbestigador ng Manila Police District- Station 4, ang biktima na si Marcoso John Eric Ludor, isang steel man at residente ng 58 Don Jose St., Brgy. Sto. Domingo, Quezon City.

Sa imbestigasyon, dakong alas-11:00 nang umaga habang namumulot ng mga bakal ang biktima nang bumagsak ang steel pulley ng crane na nasa tuktok ng naturang gusali.

Nabatid na ino-operate ng isang Merlin Mahinay, 28-anyos, ang nasabing crane nang maputol ang steel pulley ng crane at tuloy-tuloy na bumulusok hanggang sa bumagsak sa biktima.

Patuloy pa ang imbestigasyon ng Homicide Section sa insidente.