Abante Tonite Interactive

Contempt! 3 BuCor official kinulong sa Senado

350

Ipinag-utos ng Senate justice and human rights committee na ikulong sa Senado ang tatlong opisyal ng Bureau of Corrections (BuCor) matapos silang i-contempt dahil sa pagsisinungaling sa pagdinig tungkol sa mga anomalya sa naturang ahensiya.

Ang mga na-contempt ay sina New Bilibid Prison (NBP) Hospital Technical Chief Inspector Dr. Ursicio Cenas, BuCor legal chief Fredric Santos, at BuCor documents and records chief Ramoncito Roque.

Bago ito, naghain ng mosyon si Senador Ronald Dela Rosa para i-contempt ang tatlong opisyal dahil sa hindi pagsasabi ng katotohanan sa komite.
Si Cenas ay inakusahang tumatanggap ng suhol mula sa mga preso ng NBP para payagan silang ma-confine sa ospital matapos mag-avail ng ‘hospital passes for sale.”

Ayon sa presong si Jose Gala­rio Jr., nagbigay siya ng P8,000 kay Cenas habang siya ay nasa ospital, para mapabilis ang ang proseso ng kanyang medical abs­tract.

Pinabulaan ni Cenas ang alegasyon ni Galario subalit hindi niya nakumbinse ang mga senador dahilan para maghain ng mosyon si Dela Rosa para i-contempt ito.

Napundi naman ang mga senador kina Santos at Roque dahil sa kanilang pagiging ‘incompetent’ sa kanilang mga posisyon sa BuCor. (Dindo Ma­tining)