Abante Tonite Interactive

Contract to sell

By
2,205

Dear Atty. Claire,

Isa po akong OFW at kasalukuyang nagtatrabaho dito sa Saudi Arabia. Ako po ay lumaki sa pangangalaga ng lola ko simula pagka­bata (7 yrs. old) hanggang sa nagkaroon ako ng sariling pamilya.

Ang titulo ng lupa ng lola ko ay hiniram at isinangla sa bangko­ ng kamag-anak namin­ upang makapag-loan at gamitin sa negosyo. Sa kasamaang palad ay hindi naging maayos ang negosyo at bumagsak ito hanggang sa hindi na nila nagawang bayaran ang pagkakasangla ng titulo ng lupa at lumaki nang lumaki ang interest. May dalawang­ anak ang lola ko at sila na ang tumubos ng pagkakasangla ng lupa sa bangko.

Sa madaling salita lumalabas na ang dala­wang magkapatid na ang nagmamay-ari ng lupang tinubos nila sa bangko at nailipat na sa pangalan nila ang titulo. Ako po ay nakiusap sa magkapatid na kung puwede mabigyan nila ako ng kahit maliit na lote na puwede kong pagtayuan ng maliit na bahay at babayaran ko naman ‘yun. Pumayag naman po sila at nagkasundo na doon ako magpatayo ng bahay sa pagitan ng lupa nila na may sukat na 81 sqm. (9m x 9m) bale tig-9m x 4.5m po.

Ang tanong ko po kung sakaling mabayaran ko ang lupa na kinatitirikan­ ng bahay ko, puwede po bang DEED OF SALE ang ipagawa ko? Sabi po ng asawa ng isa sa magkapatid ay DEED OF RIGHTS lang daw ang ipapagawa sa akin. Tama po ba ‘yun?

Umaasa po ako na sana ay mapayuhan niyo ako kung anong dokumento ang nara­rapat para sa lupang kinatatayuan ng bahay ko.

Best regards,

Vic

***

Dear Vic,

Nais kong ipayo na bago mo makumpleto­ ang pagbabayad ng sinasabi mong parte ng lupa ay mapapirma mo ang nagbebenta ng isang ‘Contract to sell’ upang may pinangha­hawakan ka ng katibayan na ikaw ay nagbabayad para sa parte ng lupa na may sukat na 81 sq. m.

Dapat na isang Deed of Sale ang gawin ninyo kapag nabayaran mo na nang buo ito dahil iyan naman ang inyong kasunduan – kukuha ka ng parte ng lupa at babayaran mo. Iyan ang isang malinaw na bentahan ng lupa dahil may konsiderasyon o bayad kang ibibigay sa may-ari ng lupa.

Hindi dapat rights (to use) lamang ang ibebenta sa iyo dahil ang lupa mismo ang iyong binibili. Kung rights lamang ang magiging subject ng bentahan ninyo ay hindi mo mapapatunayan sa mga susunod na panahon na ang lupa ang binili mo. Kaya mag-­ingat sa dokumentong pipirmahan.

Dapat ngayon pa lamang na nagbabayad ka ay may kasulatan na kayong napirmahan na patunay ang napagkasunduang bentahan, tulad ng Contract to Sell at mga patunay ng mga natatanggap na bayad mula sa iyo.

Kung may katanungan pa ay tumawag lamang sa 410 7624 o 922 0245 o mag-email sa attorneyclaire@gmail.com