Abante Tonite Interactive

Controversial mother pinagdududahan ang IG post

0 300

ISANG araw ay lalabas at lalabas din ang katotohanan tungkol sa matinding kontrobersiyang kinasasangkutan ngayon ng magkakadugong artista.

Ang mga pinalulutang na kuwento ay siguradong malilinawan din, ang mga inimbentong istorya ay mabubuking din, panahon lang ang kailangang hintayin ng publikong nanonood lang sa kanila ngayon.

May duda ang maraming impormante na may nagmamaniobra sa lahat ng kaganapan. Merong namumuno sa paglalabas ng mga istoryang makapaninira sa kanilang kalaban.

Sabi ng isang source, “‘Yung lumabas na post ng mother nila, maraming nagdududa na hindi siya mismo ang gumawa nu’n! Ibang-iba ang lengguwahe ng mommy, ganu’n ang style ng isang anak niya sa pagpo-post!

“Lalabas din ‘yan in time, wait lang tayo, magkakabukingan din sila sa bandang huli. Gamitin ba pati ang matanda na sa away nila?” madiing komento ng aming impormante.

Mismo!

Male personality bilmoko, gimikero

MAGALING pala talagang gumimik ang isang male personality na marami nang nakakarelasyong artista rin na nagsisisi sa bandang huli. Magimik ang lalaking ito!

Kuwento ng isang source, “Hindi talaga siya nagpupundar ng mga kagamitan sa unit niya. Mga basic na kagamitan lang ang nakikita du’n! Kasi nga, kapag dinadala niya ang girl sa unit niya, e, magtatanong siyempre ang babae kung bakit wala siyang mga kagamitan sa unit niya?

“Du’n na papasok ang pagiging bilmoko ng guy, kiyemeng okey lang siya, pero natural, magpipilit naman ang girlfriend niya! ‘Yun na! Ilang araw lang at may mga delivery na sa unit ng mokong!

“Magaling siya, ‘di ba naman? Simple siya, pero rock! Biglang magkakalaman na ang unit niya, kinumpleto na ng girl, napakahusay niya talagang gumimik!

“Ganu’ng-ganu’n ang nangyari sa mga ex niya, nahiritan din sila ng magimik na male personality! Buti nga, nabuking siya agad ng isang girl, hindi siya nakalusot, wala siyang napala!” tawa nang tawang pagtatapos ng aming source.

Alden igaganti sa pagpapahirap ni Martin

MAY isang tagpo sina Elizabeth Oropesa at Jo Berry sa The Gift na halos hindi namin pinikitan. Mapuso ang eksena, natural na natural, ang punto ng kanilang usapan ay kung matatanggap na ba ni Nanay Strawberry kung sakaling sumama na si Sep (Alden Richards) sa kanyang mga tunay na magulang.

Nakakadala ang emosyon, tahimik lang na lumuluha-tumatango si Jo Berry, napakamapuso ng eksenang ‘yun dahil mararamdaman mo na lang na nakikiluha ka na rin sa aleng maliit.

Nagagalit naman ang mga kaibigan namin dahil sobrang pagpapahirap ang inabot ni Sep sa pambubugbog ng tropa ni Martin del Rosario (Jared), kapag nakita raw nila ang nagkokontrabidang aktor kahit saan ay igaganti nila ito, ganu’n na ganu’n!

Lumalalim na ang daloy ng kuwento ng The Gift, wala kang itatapong eksena, lalo na ang mga tagpo nina Alden, Jo Berry at Elizabeth Oropesa.

At crush na crush ng pamangkin naming si Ferdie de Leon si Mikee Quintos, ayaw nitong maniwala sa mga blind items na babae rin ang hanap ng tunay namang paganda nang pagandang young actress, basta raw!

Ilang araw nang walang pahinga ang Pambansang Bae dahil sa sunud-sunod niyang taping sa pinagbibidahan niyang serye. Aalis kasi ang tropa ng Eat… Bulaga papuntang Dubai.

Pagdating sa disiplina sa trabaho ay walang maibubutas kay Alden, marespeto siya sa kanyang mga katrabaho, never siyang naging problema ng produksiyon.

Basta tinanggap niya ang isang kompromiso ay gumagawa siya ng paraan para walang masagasaang trabaho niya, ganu’n niya kamahal ang kanyang propesyon, kaya naman mas minamahal siya pabalik ng kanyang career.

Idagdag pa ang mabuti niyang puso at kawalan ng ere sa kabila ng kanyang tagumpay. Talagang bibiyayaan ng patuloy na tagumpay ng kapalaran si Alden Richards.