Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Converge sinuka sa palyadong broadband

0 130

Katakot-takot na batikos ang inabot sa social medial ng Converge ICT Solutions Inc. mula sa mga subscriber nito dahil sa palyadong internet service ng kompanya kahapon na nagpa-bad trip sa mga netizen.

Base na rin sa mga reklamong dumagsa sa social media katulad ng Facebook at Twitter, maraming subscriber ng Converge ang nakaranas ng palyadong internet connection particular mula sa Cavite, Taguig, Hilaga at Gitnang Luzon hanggang sa Bicol region.

Kaya naman tinadtad ng mga batikos ng mga naiinis na netizen ang official Facebook page ng Converge at maging sa Twitter.

“Paano makakapag relax, sabadong-sabado walang internet sa Laguna,” saad ng isang nagkomento.

Inilarawan naman ng isang subscriber na patay-sindi ang internet connection sa kanilang lugar kaya nagkakamali-mali na siya sa kanyang ginagawa.

Isang taga-Norte ang nagsabing may ilang lugar sa San Juan, Ilocos Sur na apat na araw nang walang internet connection.

Nagpost din ng kahalintulad na reklamo ang isang nagngangalang Marlon Rivera na sa Bauang, La Union umano ay apat na araw na rin wala silang internet kung kaya’t nakatengga ang mga transaksiyon at mga online work.

Pero kahit paano may nagsabi naman na bumalik na ang kanilang internet sa Cavite City makalipas ang halos tatlong oras na nawalan sila ng koneksiyon.

Nagpost naman sa social media ang Converge ICT Support at sinabing inaayos nila ang mga hinaing ng mga subscriber.

Iniulat din nito na bumalik na rin ang broadband service nila sa ilang parte ng Central Luzon at North Luzon kahapon.

Apela pa ng kompanya sa kanilang mga subscriber na magpadala lang ng mensahe sa kanilang Twitter account para sa mga concern hinggil sa internet service nito. (Mark Joven Delantar)

Leave A Reply

Your email address will not be published.