Abante Tonite Interactive

Cotabato mayor na nasa narco list nakaligtas sa ambus

424

Nakaligtas sa tangkang pagpatay si Libungan, Cotabato Christopher Cuan sa harap ng munisipyo kahapon ng hapon.

Sa ulat ng pulisya, kabababa pa lamang umano ni Cuan sa kanyang sasakyan at papasok sana sa munisipyo nang duma­ting ang isang Toyota Hi-Ace van lulan ang ilang armadong lalaki na binaril ang alkalde, dakong ala-1:40 ng hapon.

Agad namang nakapagtago si Cuan sa loob ng munisipyo at hindi nasugatan ngunit tinamaan ng ligaw na bala ang utility worker ng munisipyo sa kaliwang tuhod.

Nakaganti pa ng putok ang security escort ng alkalde ngunit hindi na nito nahabol ang mga suspek na mabilis na nakatakas. Bigo rin ang mga rumespondeng kapulisan na maabutan ang mga armadong lalaki.

Iniimbestigahan na ng pulisya ang pangyayari at tinitingnan ang mga cctv sa lugar para makuha ang plaka ng sasakyan.

Matatandaang nakasama ang pangalan ng alkalde sa inilabas na listahan ng mga lokal na opisyal na konektado umano sa iligal na droga noong 2017.

Nakuhanan din ang alkalde ng matataas na kalibre ng baril at mga bala nito sa isinagawang raid noong 2016 sa kanyang bahay at pag-aaring establisimyen­to ngunit walang nareboker na iligal na droga sa mga ito.

Mariin ding itinanggi ni Cuan na may kaugnayan ito sa illegal drug trade.