Abante Tonite Interactive

Couple’s nest sa panahon ng kalamidad

260

Sari-saring pana­naw ang ipinapahayag ngayon ng mga netizen sa social media pati na rin sa mga pondahan at barberya dahil sa “couple’s nest” na itinatag ng Pamahalaang Lungsod ng Tagaytay para sa mga mag-asawa at mag-partners na naapek­tuhan nang pagsabog ng Bulkang Taal.

Mayroong natutuwa at mayroon ding pumupuna sa ideyang ito ng mga opisyal ng Tagaytay City lalo na ang mga grupong may pananaw n a konserbatibo.

Para sa iba, ang couple’s nest ay hindi angkop sa mga ganitong pagkakataon kung saan mas maraming mahalagang bagay ang dapat asikasuhin at unahin ng mga mag-asawa o mag-partner sa harap ng pinapasan na pagsubok.

Hindi rin nagustuhan ng ilang taga-Batangas ang ideya dahil parang pinalalabas umano na mahilig ang mga kababayan kahit mayroong kinakaharap na kalamidad.

Pero para sa mga taong open-minded, walang masama dahil may pangangaila­ngang pisikal na dapat tugunan lalo na sa mga mag-asawa.

Samakatuwid, hati ang pananaw ng publiko sa inilaang couple’s nest para sa mga evacuee na nais magkaroon ng pribadong pagkakataon sa gitna ng dinadanas na pagsubok.

Ginagawa namang katatawanan ng mga pilyong miron ang couple’s nest at binansagan itong “bahay barukbukan”.

Bagama’t libre ang couple’s nest, mistulang hindi ito kinagat ng mga evacuee dahil marahil nahihiya ang mag-asawa o mag-partner dahil sa mga panuntunan at mga dapat sundin bago makapasok sa kuwarto ng langit.

Bago kasi maka­gamit sa couple’s nest , kinakailangan munang dumaan sa counselling hinggil sa family planning na medyo ikinaiilang ng mga gustong sumubok nito.

Siyempre, aalamin ng mga namamahala sa lugar kung talagang mag-asawa ang mga gustong gumamit sa bahay barukbukan at ang suma tutal, ang talagang layunin nito ay mairaos ang tawag ng pangangailangang karnal.

Hindi pa handa ang kaisipan ng mayorya ng mamamayan sa ganitong ideya batay na rin sa staff na namamahala sa couple’s nest dahil ilang araw na itong naitatag subalit isang mag-partner lamang ang sumubok nito.

Bagama’t maganda siguro ang layunin ng opisyal na nakaisip nito, hindi lahat ng tao ay katulad ng isip ng mga taga-Tagaytay City government dahil ang mas mahalaga sa nga­yon para sa mga biktima ng kalamidad ay kung paano makabangon muli at makabalik sa normal na buhay.

Ang pamilya ang prayoridad ngayon ng mga bakwit, at nakakasiguro ako na hindi kasali sa iniisip ngayon ng mga biktima ang personal na panga­ngailangan at magkaroon ng pribadong oras para sa pandaliang kasiyahan.