Abante Tonite Interactive

#CourtshipGoals: Noon at Ngayon

By ,
755

“Uso pa ba ang harana, marahil ikaw ay nagtataka…”

Kung batang 90’s ka, malamang saulo mo pa ang kantang ‘Harana’ ng bandang Parokya ni Edgar. Ang nakalulungkot, sa mga linyang ito na lang yata mariri­nig ang salitang harana. Baka nga ‘pag nagtanong ka sa mga bata ng maka­bagong henerasyon, marahil sila’y magtaka – ano ba ang ibig sabihin nito?

Kasabay ng pag-usbong ng mga bagong teknolohiya ay ang pagbabago rin ng kultura nating mga Filipino sa usapin ng panliligaw.

Natatandaan mo pa ba noong liham na may kalakip na mapupulang rosas at gitara ang sandi­gan ng mga la­laki sa pag-akyat ng ligaw? Liham na ang lama’y puro matata­linghagang sali­ta. Kulang na lang na sumali sa balagtasan para makuha ang ma­tamis na ‘oo’ ng kanyang iniirog.

Hindi rin si­yempre mawawala sa usapan noon ang harana. Gamit ang gitara, singing skills, lakas ng loob na sinamahan pa ng kapal ng apog, at mga backup singer, ay ready to go na ang binata para harapin ang dalaga at sabihin nang harapan ang kanyang mga saloobin at pagmamahal.

Noong unang panahon, hindi lang dalaga ang nililigawan. Mas hi­git na dapat suyuin ang mga magulang ng iyong minamahal. Aminin mo man o hindi, pero tila allergic ka sa soon-to-be biyenan mo. Kung ituring mo sila, kontrabida ng lovelife mo. Nariyang nagsibak ka ng kahoy, nag-igib ng tubig, at kung ano-ano pang pahirap para makuha lang ang kamay ng iniirog.

Dito talagang subok na subok ang determinasyon, tatag ng loob, at pagtitiis ng mga lalaki sa panliligaw. Kaya naman, kung natuloy sa happy ending ang pagsuyo ng binata sa dalaga, siguradong ramdam na ramdam ang tunay na pagmamahalan na bunga ng paghihirap at sakripisyo.

Ang sa akin lang, ibang-iba na talaga ang kabataan ngayon. Ang panliligaw kasi, sa gadgets at technological advancement na lang idinadaan.

Kung dati, may liham pang inihahanda ang binata para sa dalaga, ngayon ay puwede nang manligaw gamit ang cellphone sa pamamagitan ng text, Messenger o Viber. Puwede na ring sagutin ng babae agad-agad ang ligaw ng lalaki. Ang bilis, hindi ba?

Ni hindi na nga rin kailangang magkita ng magkasintahan dahil magpa-load ka lang ng unlicall ay magdamagan na kayong magkausap. Kahit flowers, chocolates at stuffed toys ay puwede nang instant na ibigay sa babae gamit ang mga emoji at graphic designs. ‘Ika nga nila, mo­dern na ngayon.

Ayon sa sociologist na si Bro. Clifford Sorita, wala namang kaso kung makaluma o makabago ang istilo ng panliligaw. Ang mahalaga’y maipakitang wagas ang iyong pag-ibig sa taong sinisinta. Dagdag pa niya, “Courtship processes, tools and frameworks will always jive with the ‘signs of the times’ but its core LOVE will always be the reason for its existence.”

Mahirap ikumpara ang noon at ngayon dahil talagang magkaiba sila. Payo na lang kina nanay at tatay, maiging sabihin natin sa ating mga anak, na ang panliligaw ay parang HOMEWORK, dapat sa bahay ginagawa.