Abante Tonite
Mabilis sa Balita

COVID-19 sa ‘Ber’ month natin

0 566

Tapos na ang SONA ni President Mayor Digong Duterte, higit isang buwan na lang at madidinig na uli natin mga tropapips ang mga kanta ni Jose Mari Chan. Pero kung dati eh sabik ang halos lahat sa pagdating ng “ber” month, ngayon ay marami siguro ang nag-iisip kung aabot kaya sila sa Pasko?

Pero bago ‘yan, nanggagalaiti na naman sa galit ang ilan nating kurimaw dahil nangangamoy anomalya na naman sa Philhealth. Parang nainggit daw yata ang Philhealth sa media milage na nakukuha ng isa pang kontrobersiyal na ahensiya na Bureau of Corrections o BuCor. Ano raw kaya ang susunod na magkakaroon ng kontrobersiya, Bureau of Customs?

Noon pa binabakbakan ni Senador Ping Lacson ang umano’y katiwalian sa Philhealth, at inakala siguro ng mga senador na titino na ang ahensiya nang maglagay ng mga bagong opisyal dito si President Mayor Digong Duterte pero mukhang nagkamali sila.

At ngayon nga, nagkakahamunan ang pinuno ng Philhealth na si Ricardo Morales, at ang isang opisyal niya na nagbitiw (pero August 31 pa yata) na si Thorrsson Montes Keith. Bukod kay Keith, may dalawa pa raw na opisyal ng ahensiya ang nagbitiw.

Sabi ni Keith, may “widespread corruption” sa Philhealth, pero sabi ni Morales, masama lang ang loob ni Keith dahil hindi raw nito nakuha ang inaasintang posisyon na hindi naman siya kuwalipikado.

Kung alegasyon ng katiwalian ang pag-uusapan, aba’y hindi na bago ‘yan sa Philhealth. Sa mga dati nang ibinulgar ni Lacson, nadamay pa si Health Secretary Francisco Duque III, na tumatayong chairman of board ng Philhealth.

Nakakalungkot nga lang na sumingaw na naman na parang poso-negro ang baho sa Philhealth kung kailan may pandemya na dulot ng COVID-19, at mahalaga ang Philhealth para matulungan sa gastusin ang mga pasyenteng magkakasakit, lalo na ang mga mahihirap.

SM SuperKidsDay Banner Ad

Ang tanong tuloy ngayon marahil ng marami, hindi kaya nagkakaroon din ng katiwalian sa pag-ayuda sa mga COVID patient na sinasagot ng Philhealth? Aba’y dapat sigurong isama iyan sa gagawing imbestigasyon ng Senado, Palasyo at…wag na pala ang DOH ni Duque.

Talaga naman na maraming tropapips natin ang kakaba-kaba lalo ngayon na parami nang parami, sa halip na mabawasan ang numerong inilalabas ng DOH sa kaso ng mga nagpopositibo sa COVID-19. Walang humpay sa higit 1,000 at kung minsan at higit 2,000 pa ang binabasang numero ng COVID positive case na “fresh” at “late.”

At malaking bahagi ng mga inilalabas na numero ay nanggagaling sa Metro Manila. Kaya naman namumuro raw ang NCR na ibalik sa MECQ o modified enhanced community quarantine mula sa kasalukuyang mas maluwag-luwag na GCQ o general community quarantine, para kahit papaano ay mabawasan ang pagtaas ng hawahan.

Kasi ba naman, hinayaan ang mga tao na magbalik-trabaho samantalang walang maayos na transportasyon. Limitado pa rin ang testing, at kung mayroon man ay RAPID ang ginagamit na hindi 100 percent ang resulta. Kaya mayroon mga negative pero positive pala, at may kinabahan na positive pero negative naman kapag dumaan sa mas maasahan na SWAB test.

Ang mga pinipilahang drive-thru at walk-thru na COVID test na ginagawa sa Maynila, sinabi ni Mayor Isko Moreno na mas mataas ang kalidad kaya mas tumpak ang resulta. Dahil libre para sa lahat kahit taga ibang lungsod, talaga namang dinadagsa ito ng mga tao. Kaya dapat sigurong suportahan ang mga ganitong hakbangin para mapahusay pa ang resulta ng test, at ipatupad sa iba pang lungsod.

Sabi ng mga eksperto, dapat bilisan pa at damihan ang mga test para matukoy ang mga positibo sa virus at mailagay sa isolation facility para hindi makahawa ng mga mahihina ang katawan. Kung bakit ba naman kasi ngayon lang ginagawa ang mga programang na dapat noong mga nakaraan buwan pa ipinatupad tulad ng pagpapahusay sa contact tracing at huwag hayaan sa bahay maglagi ang mga COVID positive na walang sintomas.

At kapag patuloy pa rin sa pagdami ang COVID cases natin hanggang matapos ang Agosto, baka mabuting pati si Jose Mari Chan eh magtago na muna pagdating ng Setyembre. Laging tandaan: “Bata mo ‘ko at Ako ang Spy n’yo.”

Leave A Reply

Your email address will not be published.