Abante Tonite
Mabilis sa Balita

COVID-19 testing, vaccination, palakasin pa laban sa Omicron

0 81

Bigla ang naging pagtaas ng bilang ng mga nagpositibo sa COVID-19 dahil sa lubhang nakakahawang Omicron variant. Dumating ito sa panahon na inaasahan pa naman natin na mas mabubuksan pa ang ekonomiya nang sa gayon ay marami ng makabalik sa trabaho. Para hindi na lumala pa ang sitwasyon, dapat na laging nakakasa sa pandemic response ng gobyerno ang agresibong paghahanap ng mga may sakit, pagtulong sa pagpapagaling ng nagpopositibo sa COVID-19 at ang pagbabakuna.

Dapat din ay mas palakasin pa ang case reporting ng mga barangay para sa maagap na containment at monitoring sa bawat komunidad.

Mahalaga ito lalo’t sumabay pa ang flu season sa pagkalat ng Omicron variant. Marami ang nagkakasakit tulad ng ubo at sipon ngayong flu season dahil sa malamig na panahon. Nagkakaubusan ng supply ng ilang paracetamol brands at iba pang gamot sa drug stores.

May pagkakapareho pa naman ang sintomas ng flu at COVID-19 kaya lalong dapat magdoble ingat tayong lahat.

Kaya panawagan ng lokal na pamahalaan ng Taguig sa mga Taguigeños na may flu-like symptoms, kahit mild lamang, ay agad mag-patest at mag-quarantine sa bahay o pinakamalapit na Taguig quarantine facility.

Kailangan i-report ng mga Taguigeños sa kinauukulan kung sila ay nagpositibo sa COVID-19. Hindi sila dapat mangamba kung sila ay kailangang pumunta sa quarantine facility dahil kumpleto ang mga kagamitan doon. Hangarin din natin na bigyan ng tulong at kapasidad ang mga kababayan sa home quarantine, tulad na lamang ng pag-quarantine sa mga nagkakaroon ng chicken pox.

Sa Taguig, siguradong maaalagaan at may ayuda sila habang nagpapagaling sa bahay. House-to-house na ide-deliver ng barangay health workers ang mga gamot, hygiene kit at anti-COVID-19 kit para sa mga nagpositibong Taguigeño.

Bukod dito, hinihikayat natin ang lahat na kung maaari ay tumawag muna sa teleconsult kung may sintomas. Kung magpapa-teleconsult muna kaysa sa pumunta agad sa ospital, makakatulong ito para hindi maging matao sa ospital at hindi matabunan ng trabaho ang mga medical personnel.

Sa aspeto naman ng COVID-29 testing, ang Taguig ay isa sa mga lungsod na nangunguna sa pagte-test sa buong bansa. Mas pinaigting, libre at hassle-free basta ikaw ay residente o nagtatrabaho sa lungsod.

Malapit at accessible ang mga testing sites sa Taguig. Mayroon sa 31 barangay health centers, Park n’ Test sa Vista Mall, drive-thru testing sa BGC at Lakeshore, at sa Taguig Mega swabbing facility sa CP Tinga Elementary School sa lungsod.

Kapag mas maaga na-detect ay magagamot kaagad ang mga COVID-19 patients.

Lalo ngayong Alert Level 3, mas pinapalakas pa ang agresibong vaccination rollout sa Taguig.

Kamakailan lang nitong Jan. 6 , nagsagawa tayo ng senior vaccination drive sa lahat ng Taguig vaccination hubs. Sa Jan 10, 11 at 12 naman ay pediatric vaccination drive. Layunin ng mga gawaing ito sa pangunguna ng DOH na paramihin pa ang nababakunahan sa lungsod.

Mas nakahahawa at mas malaki ang tiyansa ng pagkakaospital kung hindi pa bakunado kaya’t patuloy ang panawagan ng lokal na pamahalaan sa mga Taguigeños na hindi pa bakunado na magbabakuna na. Bahagi ang vaccination drive ng pagpapatibay ng pandemic response ng lungsod laban sa Omicron.

Ang hindi bakunado ay hindi naman pipigilan sa pagkuha ng essential services ng lungsod. Pero may mga restriction na sa kanilang paglabas ng bahay at pagpasok sa mga establisyamento sa lungsod. Ilan sa mga restrictions sa mga unvaccinated ay ang pagbabawal sa kanila na pumasok sa mall para mamasyal at makapag-dine in sa mga restaurants.

Nais naming linawan na ginagawa ito ng lokal na pamahalaan sa Taguig at iba pang lungsod at bayan sa Metro Manila para protektahan sa malubhang pagkakasakit sa COVID ang mga vulnerable tulad ng mga senior citizens at mga may co-morbidities, at gayundin ang mga hindi bakunado.

Ito ay para rin sa mga bakunado na makapagpatuloy sa kanilang trabaho o hanapbuhay. Ayaw nating mawalan sila ng kita kaya’t sana ay magtulong-tulong tayo para maiwasan na ang malawakang lockdown. Gusto na rin nating makabalik ang face-to-face learning, sport activities at pagbubukas ng iba pang industriya kaya’t dapat paigtingin pa ang pandemic response para mapababa ang mga bilang ng COVID cases.

Sinimulan na sa Taguig ang TRACE registration para sa minors edad 5-11 years old para sa nalalapit nilang pagbabakuna. Naghihintay na lamang tayo ng go-signal ng National Vaccination Operations Center (NVOC) para masimulan ito.

Patuloy rin ang ating pagbibigay ng booster shots sa mga fully vaccinated, taga-Taguig man o taga-ibang lugar.

Dahil sa surge ng COVID-19 cases, mas istriktong health measures ang ipinapatupad.

Ito ang new normal kung saan dapat sanay na tayo sa health protocols. Mabilis ang kalat ng Omicron kaya mabilis dapat ang aksyon natin.

Mag-patest, mag-ingat lagi at higit sa lahat, agad magpabakuna.

Leave A Reply

Your email address will not be published.