Abante Tonite
Mabilis sa Balita

COVID-19 vaccination microsites, binuksan sa Taguig

0 95

Kasalukuyang umabot na sa 74% ng DOH 2021 projected population ng Taguig o 645,767 na indibidwal ang nabakunahan ng first dose laban sa COVID-19. 67% o 587,811 na indibidwal naman ang fully vaccinated na.

Ngayong Oktubre, binuksan sa Taguig ang COVID-19 vaccination microsites. Ibig sabihin nito ay ibababa na sa barangay health centers ang pagbabakuna habang mananatiling bukas ang apat na mega vaccination hubs sa mga malls.

Ang stratehiya na ito ay para masuyod ang mga hindi pa nagpapabakuna sa komunidad. Lahat ng health centers ng bawat barangay ay handang magbakuna.

Kasabay nito ang agresibong aksyon ng gobyerno para labanan ang virus katulad ng testing, contact tracing, isolation, quarantine enforcement, proyektong pangkalusugan at pagbibigay ng agarang medikal na atensyon sa lahat ng nagkakasakit.

Malayo na ang ating narating sa laban na ito pero hindi tayo titigil sa pagpapabuti ng mga programa partikular sa pagbabakuna.

Sa Taguig, magpapatuloy ang operasyon ng 4 mega vaccination hubs para sa pagbabakuna ng mga nagtatrabaho sa lungsod at mga residente ng Taguig, may edad 18 taong gulang o pataas. Iikot pa rin ang 2 mobile vaccination buses at may home vaccination service para sa vulnerable communities.

Bukod dito, pinabilis ang pagbibigay ng bakuna sa mga Taguigeños at muling pagtutok sa delivery ng healthcare services sa 31 barangay health centers sa lungsod.

Bukas ang health centers at least once a week para sa COVID-19 vaccination na kasama na sa kanilang basic services. Nagsimula ang operasyon ng pagbabakuna nitong nakaraang Biyernes sa ilang mga barangay at sa mga susunod na araw ay magbubukas ang iba pang health centers.

SM SuperKidsDay Banner Ad

Isa ito sa magagandang innovations at paghahanda na ginagawa ng lungsod sa transition sa new normal.

Napakadali ng registration at scheduling ng vaccination appointment. Ang mga Taguigeños ay kailangan lamang pumunta sa trace.taguig.gov.ph o sa TRACE kiosks na mayroon sa lahat ng barangay halls ng lungsod.

Para naman sa mga residente at nag-aaral sa Taguig, may edad 12 hanggang 17 taong gulang, sila ay inaanyayahan din na magrehistro sa TRACE para sa mas madaling access sa mga benepisyo at programa ng lungsod. Tuloy-tuloy rin ang panawagan sa vulnerable sectors tulad ng mga senior citizens at may medical conditions na magpabakuna na.

Maraming pinaglaanan ang pondo para sa COVID-19 vaccination program. Kasama rito ang maingat na preparasyon para sa storage ng mga bakuna lalo ang mga brands na kailangan ng mababang temperatura para mapanatiling mabisa. Inihanda rin agad ng lungsod ang mga vaccination hubs, training sa mga vaccination teams, maagang paghikayat sa lahat na magpabakuna at regular na pakikipagpalitan ng plano at ideya sa nasyonal na pamahalaan, mga karatig lungsod at pribadong sektor.

Sa mga susunod na buwan, dadagdagan pa ng 100 beds ng lokal na pamahalaan ang Taguig-Pateros District Hospital (TPDH). Magtatayo rin ng isolation facilities at laboratoryo rito para pagandahin ang serbisyong medikal ng lokal na ospital ng Taguig.

Bukod dito, nagpaplano ang lokal na pamahalaan sa pagpapatayo ng TPDH extension building at dagdagan pa ang bed capacity nito.

Patuloy ang tagumpay ng Taguig sa pagbabakuna at COVID-19 response. Dahil ito sa pagsusumikap ng bawat isa upang ang lahat ng mga Taguigeños, maging ang mga nag-aaral at nagtatrabaho sa lungsod, ay mabigyan ng proteksyon.

Isa ang pagbaba ng pagbabakuna sa komunidad sa mga hakbang natin para ligtas na makapagbukas ang ating ekonomiya at makaahon mula sa pandemya.

Leave A Reply

Your email address will not be published.