Abante Tonite
Mabilis sa Balita

COVID attack sa Malacanang

0 573

Nakarating na sa Malacañang ang bagsik ng COVID-19 kaya halos isang linggong isinara ang New Executive Building (NEB) at pansamantalang sinusinde ang pasok ng lahat ng mga tanggapan sa gusali.

Mahigpit ang ipinatutupad ngayon na security measures at health protocols ng Presidential Security Group (PSG) para masigurong hindi makarating sa mismong Palasyo ang mabagsik na coronavirus.

Sa katunayan, wala munang pinapapasok sa gate 2 ng Malacañang dahil isinailalim sa disinfection ang NEB para masiguradong ligtas ang papasok na mga empleyado simula ngayong Lunes, July 27.

Sumailalim na rin sa PCR o polymerase chain reaction (PCR) test ang mga opisyal , kawani , mga guwardiyang nagbabantay sa gusali at mga janitor para matukoy kung mayroong nadaanan ng COVID na bitbit ng mga nagpositibong empleyado.

Hindi na rin muna nagpupunta sa Malacañang briefing room si Presidential Spokesman Harry Roque para sa kanyang regular press briefing matapos ianunsiyo ng PCOO ang pansamantalang suspensiyon ng operasyon ng lahat ng mga tanggapan sa NEB.

Maging ang Mabini Hall sa Malacañang kung saan maraming mga tanggapan ay nakapasok na rin umano ng coronavirus kaya naman ingat na ingat ang mga empleyado para hindi matamaan ng mabagsik na virus.

Isinailalim na rin sa lockdown ang Radio TV Malacañang (RTVM) matapos magpositibo ang ilan sa mga empleyado nito. Ang RTVM ang nakatoka sa lahat ng live coverage ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Dito napatunayan na ang COVID-19 ang pinakamatinding kalaban ngayon ng bansa,at hindi ang mga armadong grupo dahil maging ang mahigpit na seguridad sa Malacañang ay nagawang makalusot ng coronavirus, at walang pinipili kung sino ang gustong targetin at wasakin ang kalusugan.

Nakakalungkot isipin ang mataas na bilang ng mga tinamaan ng COVID-19 sa bansa at aasahang tataas pa ito sa mga susunod na araw.

Ayon sa Presidential Communications Operations Officce (PCOO) walo ang naitalang empleyado na COVID positive at isa ang nasawi .

Pero ang nasawing empleyado ng PCOO ay noong Abril pa ito nangyari at hindi na pumapasok sa trabaho dahil mayroon itong pre-exisiting condition at ayon sa mga kaanak ay sa hospital niya nakuha ang COVID-19.

Dahil dito tiniyak ng pamunuan ng PSG na ginagawa nila ang lahat ng pag-iingat para sa kaligtasan ni Pangulong Rodrigo Duterte , partikular sa mga security aide nito at mga miyembro ng PSG na posibleng makahawa sa kanya.

Ayon po sa pahayag ni PSG Commander Colonel Jesus Durante III, regular po ang COVID test ng lahat ng kanilang mga tauhan at ang mga security aide na naka-detail kay Pangulong Duterte ay nakahiwalay ng lugar at tulugan para masigurong hindi makasagap ng virus sa mga kapwa PSG na posibleng maging banta sa kalusugan ng Presidente.

Lahat po ay nananalangin na sana matapos na ang COVID pandemic sa bansa at sa buong mundo para matapos na rin ang sakripisyo at kalbaryo ng sangkatauhan mula sa mapaminsalang salot na coronavirus na nagpabagsak sa ekonomiya ng buong mundo at pumatay ng daan-daang libong mga tao.

Magtulungan po tayo,sundin ang panawagan ng gobyerno, magsuot lagi ng face mask, sundin ang social distancing , manatili sa bahay kung walang mahalagang gagawin sa labas at palagiang maghugas ng kamay at gumamit ng alcohol o hand sanitizer.

Leave A Reply

Your email address will not be published.