Abante Tonite
Mabilis sa Balita

COVID bakuna nilalako sa FB, Twitter

0 273

Magsasagawa ng imbestigasyon ang Department of the Interior and Local Government (DILG) at Philippine National Police (PNP) sa nabunyag na “under the table” na paglalako ng bakuna laban sa COVID-19.

Kasabay nito ay iginiit ni DILG Undersecretary Jonathan Malaya na libre at hindi maaaring ibenta ang mga bakuna na dumating sa bansa.

Inihayag naman ni PNP chief Gen. Guillermo Eleazar na ang Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) ang mangunguna sa pagkalkal sa nasabing scam.

Nauna rito ay kumalat sa social media katulad ng Facebook at Twitter ang mga screenshot ng sinasabing pag-aalok ng COVID-19 vaccine.

Isang concerned citizen ang nagsiwalat tungkol sa bentahan ng COVID-19 vaccination, kung saan maaari umanong makapili ang isang indibidwal ng brand ng bakunang ituturok sa kanya sa vaccination site.

Mababasa sa usapan na ilang indibidwal ang nagpatunay na nakakakuha umano sila ng bakuna sa ilang local government unit sa halagang P8,000 hanggang P12,000.

Nabanggit doon ang mga lungsod ng Mandaluyong at San Juan, at mga bakunang Pfizer at AstraZeneca.

Kapwa naglabas ng pahayag sina San Juan City Mayor Francis Zamora at Mandaluyong City Mayor Menchie Abalos tungkol dito.

Ayon kay Zamora, isa itong scam at hindi magiging bahagi nito ang San Juan Vaccination Team habang sinabi ni Abalos na ang bakuna mula sa kanila ay libre.

Hinikayat ni Abalos ang sinomang may impormasyon tungkol sa naturang modus na i-report ito sa kanyang opisina. (Issa Santiago)

Leave A Reply

Your email address will not be published.