Abante Tonite
Mabilis sa Balita

COVID `bakuna’ sa Binondo, dextrose lang!

0 125

Nagbabala si Department of Foreign Affairs (DFA) Secretary Teodoro Locsin Jr. laban sa paggamit ng anumang bakuna kontra COVID-19 na hindi otorisado ng gobyerno dahil maaaring peke ito at dextrose lang ang laman.

Ipinahayag ito ni Locsin kasunod ng mga ulat ukol sa diumano’y COVID-19 bakuna na gawa sa China na mabibili na sa Binondo, Maynila.

Ibinunyag ni Locsin sa panayam sa kanya sa telebisyon nitong Lunes na nakatanggap siya ng reklamo mula sa mga awtoridad sa China hinggil sa sinasabing bakuna na gawa ng Sinopharm, isang Chinese pharmaceutical company, na mabibili na umano sa bansa, partikular sa Binondo.

“I got a complaint from the Chinese. He said what is going on here. I don’t know what your private sector is doing, but they are bringing in this vaccine,” pahayag ng kalihim.

Ang usap-usapan umano ngayon mayroon nang mabibiling bakuna sa Chinatown sa Binondo at posibleng gawa ito ng Sinopharm.

Subalit sinabihan umano siya ng mga awtoridad sa China na maaaring magdulot ito ng problema kapag nakapasok sa merkado ang mga pekeng bakuna kapag hindi dumaan sa `government-to-government’ ang pagkuha ng bakuna kontra COVID.

Sinabihan din umano si Locsin na bagama’t hindi naman nakakamatay ang pekeng bakuna ay natuklasang naglalaman lang pala ito ng dextrose na hindi naman magbibigay ng proteksyon laban sa COVID.

Nauna nang ipinahayag ng Department of Health (DOH) at Food and Drugs Administration (FDA) na wala pang inaprubahang COVID-19 bakuna ang gobyerno.

Inihayag din ng FDA na wala pang naghahain sa kanila ng aplikasyon para magkaroon ng COVID bakuna sa Pilipinas.

Leave A Reply

Your email address will not be published.