Abante Tonite
Mabilis sa Balita

COVID bakuna sa mga bata arangkada na

0 44

Walong ospital sa Metro Manila ang pagdadausan ng phase 1 ng pagbabakuna sa mga batang edad 12-17 na may mga comorbidity simula ngayong Biyernes, Oktubre 15.

“Magsisimula na bukas, October 15, ang unang phase ng pagbabakuna para sa mga batang edad 12-17 taong gulang na may comorbidities o “Pediatric A3”! Ito ay isasagawa sa walong napiling ospital sa Metro Manila,” anunsiyo ng Department of Health (DOH) sa social media kahapon.

Apat sa mga ospital ang nasa Quezon City: Philippine Children’s Medical Center, Fe Del Mundo Medical Center, National Children’s Hospital at Philippine Heart Center.

SM food to go Banner Ad

Ang Philippine General Hospital ang vaccine site sa Maynila, St. Luke’s Medical Center sa Taguig City, Makati Medical Center at Pasig City Children’s Hospital.

Samantala, sa phase 2 ay 17 ospital sa National Capital Region o isang ospital sa bawat local government unit na bumubuo sa rehiyon. Lalarga ito sa Oktubre 22.

Ang phase 3 na magsisimula sa Nobyembre ay gaganapin sa mga rehiyon sa bansa kung saan lagpas 50% ng mga senior citizen ay nabakunahan na. (Mark Joven Delantar)

Leave A Reply

Your email address will not be published.