Abante Tonite
Mabilis sa Balita

COVID bentahan walang puwang sa aking pamumuno

0 250

Upang lagyan ng ngipin ang aking naunang pahayag na hinding-hindi ko papayagan sa Maynila ang bentahan ng bakuna laban sa COVID 19, aking nilagdaan nitong nakalipas na linggo ang City Ordinance No. 8740.

Taos-puso ang aking pasasalamat kay Vice Mayor Honey Lacuna na siyang the presiding officer ng Manila City Council, Majority Floorleader Joel Chua at President Pro Tempore Ernesto Isip, Jr., para sa kanilang pago-overtime upang mabilisang maipasa ang nasabing ordinansa bilang suporta sa aking paninindigan na huwag hayaang mamayani ang anumang pagtatangka na gamitin ang coronavirus para pagkakitaan, habang sinasamantala ang kahinaan ng mahihirap nating kababayan.

Ang naturang ordinansa ay nagbabawal sa sinumang indibidwal, institusyon, korporasyon, grupo o organisasyon na lumahok sa pagbebenta, distribusyon o administrasyon ng COVID-19 vaccines para sa sariling kapakinabangan, kita o tubo, habang ang bansa ay nasa ilalim ng pubic health emergency at walang full market authoritization na inisyu mula sa Food and Drug Administration (FDA).

Sa ilalim ng nasabing ordinansa, ang mga lalabag ay maaring pagmultahin ng P5,000 at makulong nang hindi hihigit sa anim na buwan. Kung ang paglabag ay ginawa ng isang korporasyon o anumang ‘juridical entity’, ang mga direktor, opisyal, empleyado o ibang may katungkulan na nasa likod ng paglabag ay maaring kasuhan at parusahan.

Bukod diyan, ang business license na inisyu sa mga nasabing tao, corporations, group o organizations ay agad na babawiin at sila ay pagbabawalan nang mag-negosyo sa lungsod ng Maynila.

Kung sa anumang dahilan ay tanghaling ‘unconstitutional or invalid’ ang alinmang probisyon ng ordinansa, ang mga bahagi nito na hindi apektado ay patuloy na ipatutupad.

Hindi ako maaring umupo lamang at manood habang ginagahasa ng ilang magpagsamantala ang sitwasyon sa ngayon. Hindi ito maari sa ilalim ng aking administrasyon.

Maliwanag na pagsasamantala ito sa mga tinaguriang ‘disadvantaged sectors’ ng ating lipunan na walang ‘access’ sa mga bakuna, partikular na ang mga mahihirap.

Kami sa lungsod ng Maynila, partikular na ang mga tauhan naming nasa likod ng aming mass vaccination program, ay talaga namang nagkukumahog at nagta-trabaho nang lagpas-lagpas sa araw at oras upang marami lamang mayakap at mabakunahan dahil alam naming mas marami ang gustong magpa-bakuna kaysa sa dumarating na supply.

Kaya hindi talaga katanggap-tanggap na sa akin na may mga taong gusto pang gumawa ng pera sa ganitong uri ng kaawa-awang sitwasyon ng mga mahirap nating mamamayan.

Para sa akin, ang mga bakuna laban sa COVID-19 ay dapat na abot-kamay ng lahat at habang ang pribadong sector ay pinayagang bumili ng doses, ito ay upang mabigyan nila nang libre ang kanilang mga empleyado at hindi para pagkakitaan sila.

SM food to go Banner Ad

Sa mga private organizations at kumpanya, ako ay mahigpit na nananawagan na ibigay ninyo nang libre ang mga bakuna sa inyong mga tauhan kesa singilin sila ng diretsang bayad o bawas-sweldo dahil tinitiyak ko sa inyo na hindi namin ito papayagan sa Maynila.

Sa katunayan, iniaalok ko pa nga nang libre ang lahat ng kakailanganing tulong gaya ng doktor at nurse bilang vaccinators, encoders, at iba pa. Tiyak na matutuwa at hand ang aming mga tauhan na gawin ito.

Isa pang dahilan kung bakit ayokong payagan ang bentahan ng bakuna sa lungsod ay sa simpleng dahilan na kapag ito ay naumpisahan, siguradong magkakaroon ng pamemeke ng mga doses na maaring magbunga kung saan ang mga inosenteng tao ay nababakunahan na pala ng mga nasabing pekeng doses.

Ang pinakamalupit na maaring maganap ay ‘yung gumastos ka na nga, napeke ka pa at malamang ay tubig lang ang itinurok sa iyo. Kapag nangyari ito, marami ang magpapakalat-kalat sa labas sa maling paniniwala na sila ay mayroon nang karagdagang proteksyon sakaling maimpeksyon sila ng COVID-19.

Kapag ganito, maie-expose nila ang kanilang sarili at ang ibang tao lalo pa at kung sila ay ‘asymptomatic’.

Sinasabi ng mga dalubhasa na kapag naabot ng bansa ang 70 percent pagdating sa dami ng nabakunahan, may posibilidad na talunin natin ang coronavirus dahil sa paglikha ng tinatawag na ‘herd immunity.’

Eh paano kung ang malaking porsyento nito ay nabakunahan lang pala ng pekeng doses na ibinebenta nga kung saan-saan? ‘Wag sanang ipahintulot ng Diyos.

***

Gaya ng paulit-ulit kong sinasabi, kailangan ko ang tulong ninyong lahat. Walang magmamalasakit sa Maynila kundi tayo ding mga Batang Maynila. Manila, God first! ***

Maari ninyong malaman ang mga pinakahuling kaganapan sa pamahalaang-lungsod ng Maynila sa pamamagitan ng pagbisita sa aking kaisa-isang lehitimong Facebook account— ‘Isko Moreno Domagoso.’

Leave A Reply

Your email address will not be published.