Abante Tonite
Mabilis sa Balita

COVID-free barangay hindi imposible, maaring gayahin

0 107

Muli, nais kong batiin, papurihan at ipahayag ang aking taos-pusong pasasalamat sa 73 barangay sa Maynila na hindi nakapagtala ng kahit na anong kaso ng COVID-19 sa loob ng nakalipas na dalawang buwan.

Sa isang simpleng seremonya, personal naming pinapurihan ni Vice Mayor Honey Lacuna ang mga nasabing barangay sa regular flag-raising na ginanap ng Manila City Hall noong nakaraang Lunes.

Ang mga barangay na ito ay pawang makatatanggap ng tig- P100,000 kada isa. Ito ay magiging bahagi ng pondo nila na maaring gamitin para sa patuloy na paglaban sa COVID-19 o sa kung saan mang layunin na sa tingin nila ay nararapat.

Ang nasabing pondo ay idedeposito sa Lunes, dahil hindi pinigilan ng bagyo ang dapat sana ay mas maaga pang pag-deposito ng lungsod.

Ang pondo nga palang nailaan ng pamahalaang-lungsod para dito ay tinrabaho nang mabilis ng Manila City Council sa pamumuno ni Vice Mayor Honey Lacuna bilang presiding officer ng konseho kaya naman ganun na lamang ang pasasalamat ko sa kanya at sa mga miyembro ng konseho.

Nais kong liwanagin na ang perang ito na ibinibigay sa mga barangay ay hindi premyo o pabuya sa barangay chairman o barangay kagawad. Sa halip, ito ay ibinibigay para sa kapakinabangan ng mga residente ng naturang barangay dahil sa kanila ito gagastusin.

Bakit ba natin binibigyan ng insentibo ang mga barangay? Alam naman nating lahat na kung halos lahat ng sangay ng pamahalaan ay said na ang pondo, higit lalo na ang mga barangay na ang pondo ay kapiranggot kumpara sa mga lokal na pamahalaan o iba pang government institutions.

Naniniwala ang inyong lingkod na ang sistemang pagbibigay ng insentibo sa mga barangay ay epektibo sa paglikha ng kaalaman at pakikiisa sa hanay ng mga residente upang mahigpit na sundin ang mga simpleng health protocols na magbibigay proteksyon sa kanilang sarili, sa mga mahal nila sa buhay at maging sa ibang tao, upang hindi sila makakuha ng coronavirus.

Nasa kamay na ngayon ng mga naturang barangay kung paano nilang gagamitin ang mga ‘fresh funds’ na ibinibigay ng pamahalaang-lungsod. Kumpiyansa ako na ilalagay nila sa mabuti ang nasabing pera.

Kami ni Vice Mayor Honey ay lubos na nagpapasalamat sa mga naturang barangay para sa kanilang kooperasyon at sa pagdinig sa aming panawagan nag awing COVID-free ang kani-kanilang nasasakupan.

SM SuperKidsDay Banner Ad

Nanghihinayang ako sa marami pang muntik sana mapasama sa listahan kaso ay nakapag-rehistro ng isa o dalawang kaso. Sa totoo lang, nag-plateau o hindi na halos gumalaw ang numero ng COVID-19 cases sa Maynila nitong nakaraang dalawang linggo.

Para sa mga may agam-agam, hayaan ninyong ipaliwanag ko ang proseso. Ang testing ay ginagawa ng gobyerno at ang kagamitan ay pag-aari din ng gobyerno.

Ang mga tine-test ay hinihingan ng address kagaya ng ginagawa sa mga pribadong ospital. Ang Department of Health at Manila Health Department ay kinakailangan ding malaman ang bawat kaso.

Sa gitna ng lahat ng ito, walang puwang na matolongges ang pamahalaang lokal. Tinitiyak ko na ang aming sistemang ginamit ay ‘fool-proof’.

Gayunman, sa ganang akin, ang mas mahalaga ay aktibong nakikiisa na talaga lahat ng taga-Maynila sa ating layunin na makapagligtas ng mas maraming buhay hangga’t maari.

Umaasa ako na ang nagawa ng mga COVID-free barangays na dininig ang panawagan ng pamahalaang-lungsod na sikaping walang magkaroon ng coronavirus sa kanilang nasasakupan ay gagayahin ng ibang barangay.

Sa katunayan, hinihimok ko ang mga kapit-barangay na magtanong sa mga nagtamo ng ‘zero-COVID’ at gayahin sila.

May kabuuang 896 barangays sa Maynila at ang pagkakaroon ng 73 sa mga ito, o halos sampung porsyento na walang naitalang coronavirus sa nakaraang dalawang buwan ay isang solidong katibayan na hindi imposible at maaring gayahin ang ginawa ng mga barangay na nagtagumpay laban sa COVID-19.

Ito ay isang tagumpay, hindi naming mga opisyal ng pamahalaang-lungsod o ng mga barangay, kundi ng mga mamamayan ng lungsod ng Maynila mismo.

***

Gaya ng paulit-ulit kong sinasabi, kailangan ko ang tulong ninyong lahat. Walang magmamalasakit sa Maynila kundi tayo ding mga Batang Maynila. Manila, God first! *** Maari ninyong malaman ang mga pinakahuling kaganapan sa pamahalaang-lungsod ng Maynila sa pamamagitan ng pagbisita sa aking kaisa-isang lehitimong Facebook account— ‘Isko Moreno Domagoso.’

Leave A Reply

Your email address will not be published.