Abante Tonite
Mabilis sa Balita

COVID hawaan sa Labor Day rally

0 379

Posibleng pagmulan ng hawaan ng COVID-19 ang ginanap na malakihang rally ng mga militanteng grupo sa Mabuhay Rotonda sa boundary ng Quezon City at Lungsod ng Maynila nitong Labor Day.

Sa Laging Handa public briefing, sinabi ni Department of Health (DOH) Undersecretary Maria Rosario Vergeire na ang kumpulan ng mga tao ang isa sa mabilis na dahilan ng pagdami ng mga tinatamaan ng COVID-19.

Kahit pa aniya ginawa ito sa open space ay maaaring pagmulan pa rin ng hawaan at mabilis na pagkalat ng COVID-19.

“Lagi ho nating ipinapaalala sa ating mga kababayan na `yong pagkukumpol-kumpol ng tao kahit nasa maaliwalas na lugar o nasa open space ay maaari pa ring magdulot ng pagkahawa-hawaan at mas mabilis ang transmission,” ani Vergeire.

Naiintindhan aniya ng DOH at mga opisyal ng gobyerno ang mga ganitong aktibidad subalit dapat isaalang-alang ang pagsunod sa mga ipinatutupad na pag-iingat para makaiwas sa COVID-19.

Matatandaang mismong si Pangulong Rodrigo Duterte ay nagpaalala sa publiko na iwasan ang mga aktibidad na may maraming tao dahil magiging mitsa ito ng pagtaas na naman ng kaso ng COVID-19 sa bansa.

Lolo hinimatay sa rally

Dahil naman sa tindi ng init kahapon, hinimatay ang isang lolo na sumama sa kilos protesta ng mga manggagawa sa Rotonda.

Agad isinakay sa nakaabang na ambulansiya at dinala sa kalapit na ospital ang hindi pinangalanang matandang raliyista na sinasabing dahil sa matinding init ay nahilo at hinimatay.

Dahil naman sa dami ng mga sumama rally ay nawala na ang distancing o halos magkakadikit na ang mga tao bagamat paulit-ulit ang paalala ng mga organizer na sundin ang tamang physical distancing.

Sama-sama namang isinisigaw ng mga raliyista na ibigay na ang cash aid, umento sa sahod ng mga manggagawa at pagbuwag sa National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC). (Aileen Taliping/Dolly B. Cabreza)

Leave A Reply

Your email address will not be published.