Abante Tonite Interactive

COVID invasion at Martial Law

642

Marami ang nagtaas ng kilay at marahil pati na ang mga pumasa sa 2019 Bar Examinations sa naging posisyon ni Chief Presidential Legal Counsel Salvador Panelo na maaaring magdeklara ng martial law si Pangulong Rodrigo Duterte dahil sa pagsalakay ng coronavirus disease sa Pilipinas.

Komento ni Panelo, sa ilalim ng Konstitusyon ay maaaring magdeklara ng martial law ang Pangulo sa panahon ng invasion o rebellion upang mapangalagaan ang mamamayan. Sabi ni Panelo, nagbabago ang definition ng “invasion” at maaari na rin ituring ang coronavirus outbreak.

Paliwanag niya, may bago nang international meaning ang invasion dahil “it can mean the entry of disease and the transfer from one area to another.” Hindi binanggit ni Panelo kung saan nanggaling ang coronavirus bago tayo nilusob sa Pilipinas. Takot siguro siyang mapagsabihan ng China o ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Alam naman ng marami na sa Wuhan, China nagmula ang novel coronavirus. Ipinagpilitan pa nga ni US President Donald Trump na nanggaling ito sa laboratory sa Wuhan subalit hindi nakontrol ng China hanggang sa kumalat sa Asya, Europe at Amerika. May mga usapan din na nanggaling ang sakit sa paniki o pangolin. Matakaw kasi sa exotic food ang mga Chinese.

Ang teorya ni Panelo, hindi kinagat ni Presidential Spokesperson Harry Roque. Hindi raw ito ang posisyon ng Malacañang. Hindi na nagbigay ng karagdagang komento si Roque sa pananaw ni Panelo. Pero si Justice Secretary Menardo Guevarra, hindi nakatiis na manahimik lamang. Sabi ng DOJ Secretary, ang ‘invasion’ at ‘rebellion’ ay tumutukoy sa ‘armed actions by human beings’ at hindi ng non-living things tulad ng virus.

Trending tuloy sa social media si Panelo dahil sa kanyang teorya. May ibang nagagalit, nagtatanong sa lagay ng isip ng presidential legal counsel at nagsasabing palutang lang ito sa tunay na target. Sa panahon ng coronavirus pandemic, hindi makatutulong ang pahayag ni Panelo para mapahupa ang kumukulong sikmura ng maraming Pilipino.

Tonite – Wendys Inhouse Ad