Abante Tonite
Mabilis sa Balita

COVID kumalat sa QC pool party, 51 nagpositibo

0 367

Matapos ang isinagawang pool party at inuman session, 51 residente ng Brgy. Nagkaisang Nayon sa Quezon City ang nagpositibo sa COVID-19 dahilan para maalarma ang pamahalaang lungsod.

Base sa ulat ng City Epidemiology and Disease Surveillance Unit (CESU), nasa 610 residente ng nasabing barangay ang na-swab test na kung saan 31 katao ang agad na dinala sa HOPE facility habang 18 ang hinihintay pa ang resulta.

Una nang nagbabala si Mayor Joey Belmonte na bawal muna ang mga kasiyahan at malalaking social gathering sa kanilang lungsod dahil posibleng magdulot ito ng hawaan sa COVID-19 kaya kailangan aniyang managot ang mga pasaway.

“Lahat ng mga mapapatunayang lumabag sa ating guidelines at mga ordinansa lalo na `yong mga nagkukumpulan at nag-iinuman o nagka-karaoke ay iisyuhan ng ordinance violation receipt at maaaring makasuhan sa ilalim ng RA 11332,” ayon kay Belmonte.

Ang Republic Act No. 11332 ay ang Mandatory Reporting of Notifiable Diseases and Health Events of Public Health Concern Act.

Nabatid na kasalukuang nasa ilalim na ng lockdown ang lugar sa Bgry. Nagkaisang Nayon mula pa noong Mayo 14 dahil sa pagdami ng mga nagkakasakit ng COVID-19.

Inutos naman ng pamahalaang lungsod na imbestigahan ang nangyaring pool party at alamin kung may kinalaman ang mga opisyal ng barangay na kailangang managot.

Hinikayat din ang publiko na isumbong sa mga awtoridad ang anumang paglabag ng mga residente na posibleng magdulot ng panganib sa lahat. (Vick Aquino)

Leave A Reply

Your email address will not be published.