Abante Tonite Interactive

Covid samantalahin para bumutingting

731

Hindi pa tiyak kung kailan matatapos pero siguradong mahaba-haba pa ang tatahakin ng Metro Manila at iba pang lugar sa bansa na apektado ng Covid-19 bago manumbalik ang sigla ng hatawan ng mga sasakyan sa lansangan.

Mula nang i-anunsiyo ng mga awtoridad ang enhanced quarantine, nagluwagan ang mga kalye maliban sa mga lugar na pinagtayuan ng checkpoints para sa pagmonitor sa temperatura ng katawan ng mga tao.

Maraming lakwatsero, biyahero at mga gala ang napipilitang manatili na lamang sa kanilang tahanan kaya siguradong mahaba ang oras nila para magpahinga, magmuni-muni o kaya ay mag-isip kung ano ang puwedeng gawin sa kanilang mga sasakyan.

Well, yaman din lamang na tengga sa bahay ang mga repapeps at tropa, aba’y puwede siguro silang magbutingting ng mga sasakyan upang malinis o kaya ay bahagyang maiba ang porma ng mga ito.

Kaya narito ang ilang bagay-bagay na aking inirerekomenda na puwede niyong gawin sa inyong mga sasakyan habang tayong lahat ay forced tambay.

Linisin ang loob ng inyong sasakyan-Ako ay kumbinsidong kayo ay hindi solb sa mga punas-punas at vacuum-vacuum na ginagawa sa mga carwash dahil karamihan naman sa atin ay nakaupo lamang habang nililinis ang ating mga sasakyan kaya itong panahong ito ay timing na timing para sipatin ang loob ng sasakyan at linisin ang mga sulok-sulok. Iba ang pakiramdam kapag ikaw ang naglinis ay nakita mong malaki ang ipinagbago ng loob ng sasakyan mo.

Pinturahan ang brake calipers/drums-Dahil may mga quick drying spray paint naman na nabibili kahit na sa supermarkets, puwedeng isama ang mga ito sa pagpunta-punta sa mga naturang lugar upang bumili ng mga kakulangan sa bahay. Nag-iiba ang appeal ng sasakyan na pinturado ang brake calipers/drums lalo na kapag bagong palit ng mags.

Pakintabin ang mga chrome garnish- Ang mga pinoy, napakahilig maglagay ng mga accessories na makikintab pero hindi nila masyadong napapansin na lumalabo ito kapag naulanan o kaya ay hindi masyadong nabanlawan sa carwash. Puting basahan lang at toothpaste ang katapat niyan at paniguradong super kintab na ang mga chromed accessories ninyo.

Umpisa pa lamang ito, sa susunod na kabanata ay marami pa akong puwedeng irekomenda na magagawa ninyo sa inyong mga sasakyan dulot ng mahaba pero walang katiyakan kung kailan magtatapos na bakasyon na bunga ng Covid-19.
Ayos ba?