Abante Tonite
Mabilis sa Balita

COVID test ng mga OFW ipasasalo sa private lab

0 179

Ikinukonsidera ng gobyerno ang pagkuha sa serbisyo ng ilang high testing capacity laboratory sa sandaling itigil ng Philippine Red Cross (PNRC) ang swab testing sa mga pauwing overseas Filipino workers (OFW) sa bansa.

Ito ang inihayag ni National Task Force on COVID-19 chief implementer Secretary Carlito Galvez kasunod ng pahayag ni Senador Richard Gordon, na siya ring presidente ng PRC, na titigil na nila ang swab testing para sa mga OFW na binabayaran ng Philippine Health Insurance Corporation (Philhealth) dahil sa P930 milyon na utang ng ahensiya.

Sinabi ni Galvez na tinitingnan nilang kunin pansamantala ang serbisyo ng JB Lingad Memorial Medical Hospital gayondin ang Lung Center of the Philippines at Research Institute for Tropical Medicine (RITM) para sa swab testing ng mga pauwing OFW habang inaayos ng gobyerno ang problema sa PRC.

SM food to go Banner Ad

“Mayroon po tayong high capacities testing laboratories. So inaano po natin na sa JB Lingad na mataas po ang capacity niya na 4,500 na temporarily just in case magkakaroon po ng pagtigil ng testing po ang Red Cross, sa Lung Center at saka sa RITM,” ani Galvez.

Inaayos na aniya ngayon ang problema sa PhilHealth at kinakausap na ni Defense Secretary Delfin Lorenzana ang bagong pangulo ahensya at ni Gordon.

Humingi naman ng dispensa si Presidential Spokesman Harry Roque sa PRC at ginagawa na aniya ang mga pag-uusap para maayos ang problema sa napakalaking utang ng PhilHealth sa PRC. (Aileen Taliping)

Leave A Reply

Your email address will not be published.