Abante Tonite Interactive

Credit card, SIM ng kapitbahay ninakaw, pinambili online

By
331

Timbog sa mga tauhan ng Manila Police District (MPD) ang isang call center agent nang kumagat ito sa entrapment operation kamakalawa nang gabi matapos ireklamo ng kanyang kapitbahay sa Tondo dahil sa kasong credit card fraud.

Kinilala ni MPD director Chief Supt. Rolando Anduyan ang suspek na si Kyle Cedrick Villa, 29, may 10 taon nang call center agent at residente ng Yakal St., Tondo, Maynila.

Sinampahan siya ng mga kasong paglabag sa Article 293 ng Revised Penal Code o robbery extortion, Republic Act No. 10175 o Cybercrime Prevention Act of 2012 (identity theft) at RA 8484 o Access Devices Regulation Act of 1998.

Inaresto siya dahil sa reklamong inihain ng kapitbahay na si Helen Afuang, 58-anyos.

Batay sa reklamo ni Afuang, Abril 15, 2018 pa nang simulang gamitin ng suspek ang kanyang credit card sa mga online purchase nito, at hanggang sa kasalukuyan ay umabot na sa P394,927.97 ang halaga ng mga transaksiyon ni Villa, kabilang ang pagbili ng mga grocery item, pamba­yad sa online gaming at pa­sahe sa Transport Network Vehicle Service (TNVS).

Nabatid sa biktima na nakatanggap siya ng billing na mayroon siyang mga online transaction pero hindi naman siya maru­nong nito kaya nagreklamo agad sa pulisya.

Ayon kay Chief Inspector Rosalino Ibay Jr. ng MPD-District Police Intelligence Operation Unit, lumitaw sa kanilang imbestigasyon na napasakamay ng suspek ang mga detalye ng credit card ni Afuang matapos sulsulan diumano ang 15-anyos na anak ng ginang na kuhanan ng la­rawan ang credit card nito at ipadala sa kanya sa messenger upang makabili ang bata ng gusto nitong cellphone na nagkakahalaga ng P40,000.

Hiningi rin umano ng suspek sa bata maging ang SIM card ng ginang kung saan pumapasok ang one time password tuwing may online purchase, kaya napalusot nito ang kanyang mga transaksiyon.

“In-induce niya ‘yung bata na picturan ‘yung credit card at ipadala sa messenger para maka-access du’n sa mga transactions,” ayon kay Ibay.

Tinangka pa umano ng suspek na hingian ng P5,000 ang biktima para isauli ang kanyang SIM card kaya agad nagkasa ng entrapment operation ang mga pulis.