Abante Tonite Interactive

Creek sa QC tinapunan ng mga patay na baboy

0 283

Nababahala ang mga nakatira sa Barangay Bagong Silangan, Quezon City nang bumungad sa kanila Miyerkoles nang umaga ang limang patay na baboy na itinapon sa creek na malapit sa kanilang lugar.

Ayon kay Quezon City Veterinarian Dra. Ana Maria Cabel, kumuha na ng blood sample ang Bureau of Animal Industry (BAI) mula sa mga natagpuang patay na baboy dakong alas-dos nang hapon sa creek na matatagpuan sa Lingayen St., Area 5, Sitio Veterans, Barangay Bagong Silangan.

Aniya, hihintayin nila ang resulta ng pagsusuri at kung magiging posi­tibo sa African Swine Fever ang mga patay na baboy ay agad nilang ipag-uutos na patayin at ipali­bing ang alaga sa mga piggery sa nasabing barangay upang hindi na kumalat pa ang naturang sakit sa buong lungsod.

Umalingasaw umano ang masansang na amoy sa nasabing lugar at nang hanapin ng mga residente ang pinagmumulan nito ay doon nila nakita ang mga patay na baboy sa creek.

Sinabi ni Jhie Nicolas Bolano, barangay officer, may mga listahan na rin sila ng mga may piggery sa kanilang lugar at iniimbestigahan na nila kung sino ang nagtapon ng mga patay na baboy sa creek.

Inihayag naman ni Dra. Cabel na bawal talaga mag-alaga ng baboy sa Quezon City dahil highly-urbanized city ito.

“Ang mga piggeries po, pang-rural areas lang po ‘yan. Na-overlook namin ‘yung iba. Kasi nga bawal so hindi namin napansin na dumami na pala sila,” ayon kay Cabel.

Nabatid na bagama’t walang agricultural zone ang Quezon City ay may mga backyard piggery naman sa mga barangay ng Bagong Silangan, Payatas, Greater Fairview, North Fairview, Tatalon, at Pansol. (Dolly Cab­reza)