Abante Tonite Interactive

Crime prevention paigtingin

By
585

Ramdam na ramdam ngayon ang pangamba hindi lamang ng ordinaryong mamamayan kundi ng mga lokal na opis­yal ng gobyerno at iba pang indibidwal kasama na ang mga may kakayanang kumuha ng mga bodyguard na kayang magbigay ng proteksiyon sa kanila.

Kasunod na rin ito ng malinaw na planadong pagpatay kay Tanauan City, Batangas Mayor Antonio Halili na sinundan din ng pananambang kay General Tinio, Nueva Ecija Mayor Ferdinand Bote.

Sabi nga kung silang mga mayroon nang security escort ay nalusutan pa ng mga ‘matatalinong’ kriminal, paano pa ang ordinaryong mamamayan?

Bukod sa patayan, may mga kaso pa rin ng nakawan, holdapan, bukas kotse, at iba pang mga petty crime na nangyayari.
Ang sabi noon, isa sa malaking maitutulong laban sa kriminalidad ang pagka­kabit ng mga CCTV camera kaya nga ang ibang lokal na pamahalaan ay ginawa pang regulasyon na dapat bawat establisimyento ay mayroon nito sa kani-kanilang lugar.

Makikita rin naman sa mga social media o sa report ng iba’t ibang media entity na maraming krimen ang naka-capture sa mga CCTV.

Pero ang malaking nagiging katanungan ng ilan, hanggang capture na lang ba ang mga CCTV came­ra? Lalo na ang mga naka-install sa mga barangay?

Oo, makakatulong nga ito para sa pagresolba sa krimen pero ano nga ba ang mas kailangan natin? Hindi ba ang mapigilan ang kriminalidad?

Kaya may mala­king check si Senador Panfilo ‘Ping’ Lacson sa pagsasabing mas kailangang magpokus ng pulisya sa crime prevention kaya ipinapanawagan nito ang police visibility.

Sa ganang akin, mukhang kailangan din sigurong hindi lamang CCTV camera ang nakabantay sa bawat lugar. Dapat may mga naka-mo­nitor na tauhan sa bawat naka-install na CCTV camera upang agad marespondehan ang anumang kaganapang naka-capture sa camera.

Sa panahong nala­lagay sa alanganin ang seguridad ng bawat isa, dapat magkaisa para makaisip ng iba’t ibang paraan para masawata ang kriminalidad.

Tigilan na ang turuan at simulan ang pagtutulungan!