Abante Tonite Interactive

Cruz pinalit kay Tratter

0 487

Nagsimula na ang muling pagpapalakas ng mga koponan tulad ng Alaska Milk at Rain or Shine bago dumribol ang season-ending 44th PBA Governors Cup 2019 sa Setyembre 20.

Binitawan ng Aces ang naging miyembro ng Gilas Pilipinas at tatlong taong forward nilang si Carl Bryan Cruz Miyerkoles ng hapon patungo sa Blackwater kapalit ng mas batang si Abu Tratter sa isang 1-on-1 trade.

Una nito ay nakita rin ang shooter na si RR Garcia na naglaro sa tune up game ng RoS para sa papalapit na Governors Cup kasama ang kakukuha lang din sa Alaska na si Ping Exciminiano sa laban kontra sa Phoenix Pulse.

Bagaman ‘di pa naaaprubahan ang mga papeles, kinukunsidera na kumpleto na ang trade dahil nagbigay na ng kanilang go-signal ang mga namumuno sa dalawang koponan.

Tanging hinihintay na lang ng magkabilang panig ang pagsang-ayon sa trade ng liga dahil buong PBA Board of Governors pati si Commissioner Willie Marcial ay kasalukuyang nasa China upang suportahan ang pambansang koponan sa 18th FIBA World Cup 2019.

Ang trade ang unang hakbang para sa bagong coaching staff ng Alaska sa pamumuno ni coach Jeff Cariaso kung saan unti-unti nitong pinalalakas.

Nakamit ng Alaska ang mga bata na rebounding big man na inaasahang makakatulong kina power forward Vic Manuel at Sonny Thoss sa 26-anyos lang na si Tratter. (Lito Oredo)