Abante Tonite Interactive

Curry, GSW huhugot sa 1-3 run ng Cavs

482

‘di pa tapos!

Malalim ang kinalubugan ng Golden State Warriors sa NBA Finals – 3-1 deficit sa Toronto Raptors.

Nanganganib masibak sa trono ang two-time defending champions, sa unang pagkakataon sa nakalipas na limang seasons na sampa sa finals ay underdogs na.

Dati ay nasa baligtad na sitwasyon ang Warriors noong 2016 sa parehong stage – sila ang 3, ang Cleveland ang 1. Pero dahan-da­hang umahon si LeBron James, isa-isang tinuhog ang sumunod na tatlong laro para agawin ang titulo.

Ang natikman sa Cavs, puwedeng ibalik ng Warriors sa Raptors.
‘Yun lang ang puwede nilang gawin. Isa-isang laro, umpisa sa Game 5 sa Martes (araw sa Manila) sa Toronto. Kapag humaba ang series, balik sa Oakland sa Game 6.

Para magawa ‘yun, kailangan munang resolbahin ng Warriors ang puzzle na nagngangalang Kawhi Leonard, ang bagong King of the North.

“I mean, he played amazing,” lahad ni star guard Stephen Curry. “He hit every big shot, momentum shots in that third quarter. It gave them the lead and then kept the separation. So we played well for 26 minutes, and then they took control of the game.”

Inari ng Raptors ang third 37-21, para baligtarin ang 46-42 deficit sa halftime tungo sa 79-67 lead papasok ng fourth.

Nagkamada si Leonard­ ng 36 points, 12 rebounds, 2 assists at 4 steals sa 105-92 win. ­Inumpisahan ng dalawang 3s niya ang second half at hindi na napigil ang Raptors.

May ilang matibay na defenders ang Warriors kina dating Defensive Player of the Year Draymond Green, si all-defensive team player Klay Thompson. May Andre Iguodala at Andrew Bogut pa. Pero ‘di umubra.

“I don’t think you’re ever going to rattle Kawhi,” ani Green.

Malaking sakit ng ulo ng Warriors si Leonard, nahahawa rin ang mga kakamping sina Serge Ibaka, Danny Green, Pascal Siakam, Kyle Lowry at Fred VanVleet.

Kailangan ng mas mabangis na Warriors. (VE)