Abante Tonite Interactive

Customs broker nirapido ng riding-in-tandem

2,141

Bangkay na tinanghal ang isang customs broker matapos tambangan ng riding-in-tandem habang sakay ng kanyang kotse ang biktima sa Caloocan City bandang alas-7:30 ng umaga nitong Lunes.

Sakay ng Honda Ci­vic ang biktimang si Raymond Aniceto Bulaon at pagdating sa pagitan ng D. Aquino at 3rd Street na sakop ng Barangay 45 sa nasabing lungsod ay binuntutan siya ng riding-in-tandem hanggang sa pinagbabaril na ang kanyang sasakyan.

Kahit may tama na ay nagawa pa umanong paharurutin ng biktima ang kanyang kotse pero hinabol siya ng mga suspek at muling pinaulanan ng bala. Sa pagkakataong iyon ay su­malpok sa isang poste ang sasakyan ng biktima.

Nagtamo ang biktima ng mga tama ng bala sa leeg at ulo. Hindi na ito naisugod pa sa pinakamalapit na pagamutan dahil namatay noon din.

Ilang nakasaksi sa pananambang ang nagkuwento na nakita pa nilang kumakain sa isang tindahan ang dalawang suspek at nakaparada lang sa kanilang harapan ang ginamit na motorsiklo.

Nabatid naman mula sa mga magulang ng biktima na posibleng away umano sa babae ang motibo ng krimen dahil kamakailan lang ay nakipaghiwalay ito sa kanyang nobya.

Hindi naman kumbinsido ang pulisya at patuloy pang nag-iimbestiga sa pagkamatay ng biktima.