Abante Tonite Interactive

‘Cut throat competition’

By
571

Nitong nakaraang linggo, dalawang insidente ng ‘vehicular accident’ ang naganap na nakatawag ng aking pansin.

Ang isang aksidente ay naganap sa may Commonwealth Ave­nue sa Lungsod ng Quezon – na tinaguriang killer highway at ang isa naman ay sa EDSA-Tramo flyover sa Lungsod ng Pasay direksiyon patungong NAIA.

Kapwa ang dala­wang sasakyan ay tumihaya – nasa itaas ang gulong. Salamat at walang grabe sa mga pasahero, su­balit ang driver ng dala­wang sasakyan ay kapwa naipit ng manibela – nakaligtas naman sa pagkakaipit.

Abante Hiring – IT dep

Sa inisyal na im­bestigasyon, mga Uber driver ang nagmamaneho, nakaidlip, kung hindi man nakatulog.

***
Sa dami ng mga pribadong sasakyan na ipinasok sa Transport Network Vehicle Service o TNVS at karamihan ay brand new, hindi maiiwasan na ihataw ito nang mabilis lalo na ng mga bago pa lang nagmamaneho.

At kung bagito ang nagmamaneho, malaki ang tsansa na masangkot ito sa aksidente.

Sa bawat biyahe, buhay at kaligtasan ang nakataya, hindi lamang ng mga pasahero kundi ng drayber na rin. Nasala kaya o na-screen nang maayos ng TNVS ang mga tsuper ng Uber at Grab taxi bago pinayagang makapasada?

Ang pasahero sa dalawang magkahiwalay na aksidente ay walang kamalay-malay sa naganap na aksidente. ‘Yong sa Pasay ay patungo ng airport, ‘yong sa Commonwealth naman, pauwi na ng bahay.

***
Hindi basta-basta titihaya ang sasakyan kung hindi mabilis ang takbo. Marahil ang dalawang drayber ay naghahabol ng ‘quota’ kaya hataw sa pagmamaneho.

Dahil sa tindi ng kompetisyon at kailangang maka-quota ang operator at driver ng TNVS, nalalagay sa peligro ang mga pasahero. Kung dati ang mga regular taxi driver ang umaaray, ngayon ang mga nasa TNVS na ang ‘nagpapatayan’ makakuha lamang ng pasahero.

Sa pinakahuling impormasyon mula sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board o LTFRB, may 45,000 Uber at Grab unit ang pinayagang makabiyahe sa Metro Manila at kalapit na lugar tulad ng Bulacan, Laguna, Cavite at Rizal, hindi pa kasama ang mga nangongolorum.

Sa bilang na ito, matatawag na ‘cut throat’ ang kompetis­yon sa loob mismo ng sistema ng TNVS.

Dahil bago ang unit at karamihan ay hulugan, habol ng may-ari ang buwanang panghulog, habol naman ng drayber ang insentibo mula sa Uber o Grab para maiuwi sa pamilya.

Resulta, hataw ang drayber sa gitna ng naghihintay na disgrasya sa kalsada.