Abante Tonite Interactive

Cutting trip sa Maynila binawal ni Isko

489

Tiniyak ni Manila Mayor elect-Isko Moreno na patatanggalan niya ng prangkisa sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang lahat ng mga driver na irerekla­mong magka-cutting trip sa kanilang biyahe sa Maynila.

“Huwag na nilang hintayin ang July 1, ngayon pa lamang ay sumunod na sila, hindi iyong nagbabayad ng buo ang pasahero para sa biyahe tapos ay puputulin nila, ako mismo ang pupunta sa LTFRB para ipatanggal ang inyong mga prangkisa,” ayon kay Moreno.

Ayon kay Moreno, ang mga pampasaherong jeep na may rutang Divisoria-Baclaran ay dapat na dumiretso sa Juan Luna, kumanan sa Recto at Soler bago bumalik sa Baclaran.

Gayundin iyong may rutang Cubao-Divisoria ay binalaan ni Moreno na tatanggalan ng prangkisa kapag nag-cutting trip.

Sinabi ng alkalde na maaring magdire-diretso na ang lahat ng pampasaherong jeep dahil wala nang sagabal sa kalsada.

“Hindi na magbabago ang polisiya ko, iba­balik ko ang kalsada sa mga mamamayan, kung gusto nilang makapaghanapbuhay ng maayos ay sumunod sila sa regulasyon,” giit ni Moreno.

Kasabay nito, hinamon pa niya ang publiko na pumasyal nga­yon sa Divisoria para mapatunayan na maluwag na ang mga kalsada sa nasabing lugar.

Ang pahayag ay ginawa ni Moreno nang magpunta ito sa Manila City Hall kahapon para mag-courtesy visit­ kay outgoing Mayor Joseph Estrada na buong pagpapakumbaba niyang hinarap. (Juliet de Loza-Cudia)