Abante Tonite Interactive

Cutting trip

412

Kelan lang ay nakipagpulong ako sa mga ‘pasa­way’ na jeepney driver na nagka-cutting trip.

Sa totoo lang, ­kaming nasa pamahalaang lungsod ay talagang hirap na hirap balansehin ang mga bagay-bagay upang yakapin ang lahat. Gayunman, may hangganan din ang lahat, lalo pa’t kapakanan ng higit na nakararami at mga inosente ang nakasalalay.

Gaya na lang sa kaso ng mga sinasabi kong jeepney driver. Hindi kaila sa lahat na ako ay galing din sa hirap. Alam ko na may mga sikmurang kakalam sa oras na hindi makapagbiyahe ang isang jeepney driver dahil siya ay nakum­piskahan ng lisensiya o ng minamanehong jeep nang dahil sa paglabag sa itinatalaga ng batas, gaya ng pagka-cutting trip.

Ano ba ang cutting trip at bakit ako nangggalaiti sa isyung ito? Kapag ikaw ay sumakay ng jeep, magbabayad ka depende kung hanggang saan ang destinasyon mo. Kapag ikaw ay ibi­naba ng jeepney driver sa isang lugar na kapos sa destinasyon at katumbas ng pamasaheng ibinayad mo, ‘cutting trip’ ang tawag doon.

Ito ay maliwanag na isang uri ng panlalamang sa kapwa. Ang masakit pa, kapwa natin mahihirap ang nagiging biktima. Bakit ko nasabi ito? Aba’y kung maya­yaman ang mga pasaherong ‘yan ay hindi sila sasakay sa jeep. Sana ay naka-taxi o naka-kotse ang mga ‘yan, ‘di po ba? Samakatwid, mahihirap na mamamayan ang nabibiktima ng mga nagka-cutting trip.

Paano kung magulang, asawa, anak o kapa­tid ninyo ang ­nabiktima ng cutting trip? Paano kung kinakailangan nilang sumuong sa malakas na ulan o kaya ay nadisgrasya sila dahil sa pinag­lakad nang malayo ng mga jeepney driver na nag-cutting trip?

Sa totoo lang, itong hindi magandang nakaugaliang ito ng mga pa­saway na jeepney driver ang siyang nagbunsod sa inyong lingkod upang bumili ng mga sasakyan para sa Gat Andres Bonifacio Memorial Medical Center (GABMMC).

Kelan lang ay ating pinasinayaan ang Siojo Dialysis Center sa nasabing ospital. Libre ang dialysis sa naturang ospital para sa mahihirap na residente ng Maynila.

Sa tinagal-tagal ng aking ginagawang pagtulong sa mga pasyenteng nangangailangan ng dialysis, kabisado ko na ang sistema.

Ang isang pasyente na sumailalim sa dialysis, siguradong hinang-hina pagkatapos ng proseso. Ngayon, para makauwi, siguradong jeep ang ­sasakyan niyan.

Isipin niyo na lang. Hilong-hilo ang ­pasyente tapos pabababain nang wala sa lugar at pagla­lakarin nang mahaba, ­gayung nagbayad naman ng buo. Tama ba naman ‘yan?

Kaya naman napabili kami ng sasakyan, para lamang ­maserbisyuhan ang mga nagpapa-dialysis sa GABMMC. Ang mga pasyente ay sinusundo mula sa kanilang tirahan at inihahatid muli matapos ang kanilang dialysis. Wala ring bayad ang hatid-sundo.

Pilit kong inuunawa ang mga jeepney ­driver pero dalawa singko na ang reklamo laban sa kanila at ang mga nagrereklamo ay mismong mga mahihirap din at mamamayan din ng Maynila na humihingi ng tulong at hustisya at umaasa na gagawin ng pamahalaang lungsod ang tama at nararapat.

Bilang alkalde, tungkulin ko na ipatupad ang mga regulasyon at batas nang walang kinikili­ngan, lalo pa’t kung ang mapapaboran ay ‘yung nasa panig ng mali.

Sa mga nagka-cutting trip, muli ay nakikiusap ako sa inyo. ‘Wag niyo sanayin na ang abnormal eh maging normal, na ang mali ay maging tama. Makiisa naman kayo sa gobyerno.

Sana ay tigilan na ­natin ang nakagawian na larong ‘daga’t pusa’ kung saan kapag nakatalikod ang pusa ay naglalaro ang daga, ika nga, dahil hindi ako mapapagod at magsasawa na sawatahin ang mali.

Sa abot ng aking makakaya ay pilit kong ginagampanan ang aking mga tungkulin pero kaming nasa pamahalaan ay hindi magtatagumpay kung walang pakikiisa ng taumbayan.

Gaya ng paulit-ulit kong sinasabi, ­kailangan ko ang tulong ninyong lahat. Walang magmamalasakit sa Maynila kundi tayo ring mga Batang Maynila.

Manila, God first!

***

Maaari ninyong ma­laman ang mga pinakahuling kaganapan sa pamahalaang lungsod ng Maynila sa pamamagitan ng pagbisita sa aking lehitimong Facebook account — ‘Isko Moreno Domagoso’.