Abante Tonite
Mabilis sa Balita

CWS party-list lakas ng mga construction worker

0 66

Nagsulputang parang mga kabute noong nakaraang linggo ang mga party-list organization upang maghain ng certificate of nomination and acceptance (CONA) sa Commission on Elections (Comelec) para sa Halalan 2022.

Biglang-bigla, nagkaroon ng malasakit sa mga tao ang mga nominee ng ilang party-list. ‘Yung isa nga diyan, dakilang alalay lang ng sikat na personalidad pero biglang tumatakbo ngayon. Mayroon namang laging iniinterbyu sa kalsada at ngayon ay nag-aambisyon na maging miyembro ng Kamara de Representantes.

Iilan lamang ang masasabi nating kumakatawan talaga sa marginalized, unrepresented sector sa bansa. Isa sa kapansin-pansin na grupo ay itong Construction Workers Solidarity (CWS) party-list na masasabi natin na malinaw ang sektor na nais i-represent sa Kongreso. At sa totoo lang naman, ang ating mga construction workers ay kasama sa haligi ng labor force na nagpapakilos sa ating ekonomiya.

Kalimitan, sila ang mga arawang manggagawa na talagang ang puhunan ay ang kanilang lakas. At sa kabila nito ay maraming pang-aabuso ang nangyayari sa kanilang hanay, bukod sa kadalasang hinaing nila na sadyang mababa ang kanilang suweldo kumpara sa bigat na trabaho, walang sapat na benepisyo at kakulangan ng oportunidad.

Maganda talagang mabigyan ng pagkakataon ang party-list group na ito para lubos na mabigyan ng oportunidad ang hanay ng mga manggagawang ito at kanilang mga pamilya.

SM SuperKidsDay Banner Ad

Nais ng grupo na higit pang mapalakas ang sektor na ito sa pamamagitan ng mas malakas at maayos na kooperasyon sa pagitan ng mga mahahalagang stakeholder ng industriya.

Isa ang CWS party-list na naghain ng CONA kamakailan. Kabilang sa kanilang nominees ay sina Tirso Edwin Gardiola at Engr. Earel Benedicto Gardiola, na kapwa nagmula sa Mataas na Kahoy, Batangas, at Melanie Joy Momo-Guno ng Tandag, Surigao Del Sur. Si Guno ay anak ng incumbent CWS party-list Rep. Romeo Momo.

Itinatag ang CSW party-list upang tulungan at protektahan ang mga construction worker upang sa gayon ay tratuhin sila ng maayos at ang kanilang mga pangangailangan ay matugunan ng kanilang employer at ng gobyerno.

Noong tamaan ng COVID-19 pandemic ang bansa, daan-daang mga laborer ang naistranded sa mga construction site at barracks dahil sa pinatupad na hard lockdown. Sa nasabing panahon, wala silang suweldo o anumang pagkakakitaan kaya nagpasaklolo sila ng mga local government unit na nagbigay naman ng limitadong ayuda.

Pero ang CWS Party-list, tinodo ang pagtulong sa mga apektadong construction worker hindi lang sa Metro Manila kundi pati na rin sa lugar ng Tanza at Imus sa Cavite. Kaya naman marapat lamang na maibalik muli sa Kamara ang nasabing party-list para maging sandalan ng mga construction worker sa hinaharap.

Leave A Reply

Your email address will not be published.