Abante Tonite Interactive

Cyber criminals

By
19

May good news at bad news sa mga katropa na­ting mahilig mag-internet. Ang good news, naipasa na sa Senado ang panukalang batas na magtatakda sa pamahalaan na maglagay ng libreng wifi o internet connection sa mga pampublikong lugar; habang bad news naman ang tumitinding krimen sa cyberspace.

Sa ilalim ng Senate Bill No. 1277 o “An Act establishing the free internet access program in public spaces in the country and appropriating funds thereof,” kapag naging ganap na itong batas, aatasan ang gobyerno na maglagay ng free wifi sa lahat ng pambansa at lokal na tanggapan, mga paaralan, pampublikong ospital, health centers, mga plaza, terminal at iba pa.

Sa dumadaming tao ngayon na may smartphones dahil mas nagiging abot-kaya na ang halaga ng mga cellphone na ito [huwag na huwag lang bibili ng “GSM” o galing sa magnanakaw], malaking bagay ang internet connection.

Aba’y kung libre ang internet connection, mas madalas na sigurong makakaugnayan ng mga OFW ang mga kaanak nila sa Pilipinas; madali nang makakapag-research ang mga mag-aaral; one to sawa na ang panonood ni nanay sa Youtube ng mga teleserye at pelikula; madami nang maa-upload na selfie si ate sa kanyang IG at FB; at si kuya, ‘wag naman sanang mag-upload ng video scandal.

Iyon nga lang, kahit libre na ang wifi, wala namang katiyakan kung gaano naman kabilis na makakonekta­ rito lalo na kung marami ang gagamit. Aba’y sa mga mall nga lang na may libreng wifi, aabutin ka ng ­siyam-siyam bago ka maka-connect. Pauwi ka, nagta-­try ka pa ring makapag-FB.

At kung libre na ang internet connection, gamitin naman sana natin ito, mga katropa, sa makabuluhang paraan, at hindi sa kalokohan. Isa pa, dapat ding ma­ging maingat tayo dahil habang nagiging madali ang internet connection, dumami rin ang mga kolokoy na kriminal sa cyberspace.

Kamakailan lang, nabulabog ang mundo sa tinatawag na “Ransomware”, isang malicious software na pumapasok sa mga computer data at nakapaglalagay ng “encryption” para hindi na mabuksan ng may-ari ang kanyang “account”. Ilan umano sa nabiktima at mga kompanya na may mahahalagang datos na iniingatan.

Halimbawa, mayroon kang email account o ­social media account, maaari itong mapasok ng malware at hindi mo na mabubuksan. Para maibalik sa iyo ang account, magbabayad ka sa kung sino man ang nasa likod ng “Ransomware” para ibalik sa iyo ang ­account. Pero ang tanong, anong kasiguraduhan na hindi na ito mangyayaring muli?

Kaya kung dadami pa ang mga Pinoy ang may ­internet connection dahil sa free wifi, mas marami ang malalagay sa peligro sa mga ganitong klase ng krimen sa cyberspace, bukod pa sa mga walang magawa na nagpapakalat ng mga “virus”.

Sana lang ay hindi mapag-iwanan ang bansa natin sa paglaban sa mga cyber criminal at mapalakas ng bagong tatag na Department of Information and Communications Technology (DICT) ang paghahanap ng paraan para tayo maproteksyunan. Laging tandaan: “Bata mo ‘ko at Ako ang Spy n’yo.” (Twitter: follow@dspyrey)