Abante Tonite
Mabilis sa Balita

DA, BOC nabutasan sa diskarte vs imported gulay

0 60

Binatikos ng isang grupo sa sektor ng agrikultura ang diskarte ng Department of Agriculture (DA) at Bureau of Customs (BOC) sa pagtugon laban sa smuggling ng mga imported gulay na nagkalat sa mga palengke.

Ayon sa Samahang Industriya ng Agrikultura (SINAG), sinasabi ng DA na smuggled ang mga imported gulay ngunit nakikita sa record ng BOC na ligal na pumasok ang mga ito sa bansa at may mga sanitary phytosanitary import clearance.

“How come there are entries from the records of the BOC on the arrival of imported vegetables, therefore permits were issued, but the DA deemed it as smuggled,” tanong ng SINAG.

Iginiit ng DA noong nakaraang linggo na wala itong binibigyan ng mga import permit o clearance para sa imported na gulay maliban na lang iyong inaangkat ng mga hotel at embahada.

Tinuturing ng SINAG na panlilinlang ang pinapalabas ng DA na pinaiigting nito ang second border inspection at control procedure dahil hindi naman dapat na nakapapasok sa bansa ang mga ito.

“Para tayong nagpakawala ng magnanakaw at binigyan mo pa ng mabilis na motor, tapos tsaka mo hahabulin ng bisikleta,” sabi ni SINAG chair Rosendo So.

Tanong pa ni So, ano na ang nangyari sa mga first border inspection facility na pinaglaanan ng pondo ng pamahalaan noon pang Disyembre 2019. (Eileen Mencias)

Leave A Reply

Your email address will not be published.