Abante Tonite Interactive

Daan para sa mga mag-aaral hinirit

291

Hindi dapat malagay sa alanganin ang buhay ng mga batang mag-aaral na kailangang lumakad at maglakbay ng napakalayong distansiyang walang matinong kalsada at tumawid sa bahang ilog para makapasok lang sa paaralan.

Nakahain na ngayon sa Kamara ang panukalang batas ni Albay Rep. Joey Sarte Salceda na naglalayong magkaroon ng maayos na daan patungo sa mga ‘Last Mile Schools’ para sa mga mag-aaral sa buong bansa.

Layunin ng HB 9159 niya na dapat abot-kamay ang edukasyon lalo na sa liblib at mahihirap na pamayanan, kasama na ang mga salubungan ng naglalabanang mga puwersa kung saan mapanganib na nila­lakbay lamang ng mga mag-aaral ang mga gulod-gulod at malalayong distansiya para lamang makapasok sa eskuwela at matuto.

Tinaguriang ‘Last Mile Schools’ ang mga paaralan sa mga liblib na mga pamayanan na madalas ay may tatlo o apat na silid-aralan lamang, walang kuryente, kulang pa sa 100 ang mga mag-aaral at kalahati o hi­git pa ay mga kabataang katutubo, maliliit kaysa karaniwan ang mga silid-aralan na nakaligtaang isaayos sa nakalipas na apat na taon.

Sa panukala, inaatasan ang Department of Education (DepEd), Department of Public Works and Highways (DPWH) at Department of Budget and Management (DBM) na balangkasin ang malinaw na plano at magtulungan para matugunan ang naturang mga suliranin sa loob ng tatlong taon. (Vick Aquino)