Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Dadami pa scandal

0 698

Dahil marami ang work from home at mga online class, aba’y usong-uso ngayon mga tropapips ang mga online meeting o conference, at maging ang mga video chat at Facebook live. At dahil “live,” posibleng mangyari ang “disgrasya” katulad ng Zoom “sex scandal” ng dalawang barangay official sa Cavite.

Hindi na natin masyadong pupulutanin mga tropapips ang insidente dahil malamang eh nabasa niyo na ang balita sa nangyari, o baka nga pinanonood nyo pa ang nag-viral na video. Bukod doon, nagbitiw na rin naman sa tungkulin ang dalawang opisyal ng barangay na dapat lang naman dahil kung hindi eh baka lalo pa silang pagpistahan ng mga kababayan nila.

Pero para sa mga walang pang-load o pang-data sa cellphone at hindi nabalitaan ang nangyari, pasadahan lang natin ng kaunti. May pulong ang mga barangay official sa lugar para pag-usapan ang mga hakbang na gagawin sa paglaban sa COVID-19. At para iwas-hawahan, Zoom conference ang mga opisyal.

Ang problema, ang dalawang barangay official na magkasama sa iisang lugar, aba’y hindi yata namalayan na naka-online na sila at naka-on na rin ang kanilang camera. Mantakin mong naisipan pa nilang “mag-toot!toot!.” Ang resulta, nagpalabas sila ng live sex show sa lahat ng opisyal at taong kasama sa naturang online conference.

Kung tutuusin, hindi naman talaga maiiwasan mga tropapips ang mga ganitong kapalpakan sa mga live video o online meeting. Pero grabe ang ginawa ng dalawang barangay official na parehong may ibang pamilya. At nagbitiw na sila sa puwesto dahil sa kahihiyang nangyari.

Kahit sa mga online class ngayon na naka-video conference setup din ang mga bata, aba’y puwedeng mangyari ang mga “blooper” kaya ingat din ang mga magulang. Baka hindi alam ni nanay at tatay na naka-on ang camera ng anak nila at bigla silang “maglambingan” na kita pala sila sa likod.

SM SuperKidsDay Banner Ad

Ang isa nating tropapips, sinabing ginawan daw ng kurtina ang anak niyang naka-online class dahil nakapuwesto ang study area nito sa sala. Simple lang daw ang kaniyang ginawa, bumili siya ng maididikit sa kisame na puwedeng sapitan ng tali at naglagay siya ng patpat na pagkakabitan ng kurtina para mistulang may sariling cubicle ang anak niya.

Kung dalawa naman o higit pa ang bata na naka-online class sa bahay at sa lamesa sila nakapuwesto dahil doon malakas ang sagap ng internet, mungkahi ng tropapips natin, gumawa na lang ng tila kahon (puwedeng karton o table na parang U shape) na puwedeng magsilbing divider sa mga bata nang hindi sila ma-distract kung sabay-sabay sa lamesa.

Ngunit kung may puwesto na pader ang nasa likod ng bata o nang dadalo sa mga Zoom meeting, ‘yon ang the best dahil walang ibang makikita ang mga makakausap mo sa camera maliban na lang siguro sa mga butiking maglalambutchingan.

At napag-usapan na rin lang natin ang online class, may tropa rin tayong nagtatanong kung dapat bang magtakda ang DepEd kung gaano dapat katagal ang online class at gaano dapat kadalas ang “break” para mapagpahinga ang mga mata ng bata.

Baka raw kasi may “masipag” na titser na gayahin ang class schedule noon “normal” schooling na mula umaga hanggang matapos ang tanghalian. Aba’y mahirap yata kung tuloy-tuloy na nakatutok sa computer ang mga bata at baka lumabo o lalong lumabo ang kanilang mga mata.

Sabi ng mga eksperto, dapat pairalin ng mga bumababad sa computer ang “20-20-20” rule. Ito yung titigil sa pagtingin sa computer tuwing ika-20 minuto, titingin sa anumang bagay na hanggang 20 feet ang layo, at tatagal tingin doon ng hanggang 20 segundo. Sa dami ng mga bata ngayon na nakasalamin na, baka puwede nga namang pag-aralan ito ng mga nasa kinauukulan. Laging tandaan: “Bata mo ‘ko at Ako ang Spy n’yo.”

Leave A Reply

Your email address will not be published.