Abante Tonite Interactive

Dagat ng basura, resulta ng kawalan ng disiplina

By
169

Nabulaga ang publiko at mga motorista noong nakalipas na linggo sa mala-dagat na basura sa kahabaan ng Roxas Boulevard makaraang ibalik ng malalaking alon sa Manila Bay ang mga basurang itinapon sa dagat.

Hindi ito ang unang pagkakataon na nangyari ang ganitong insidente dahil sa tuwing masama ang panahon at may bagyo o epekto ng ‘habagat’ ay aasahan ang pag-ipon ng maraming basura sa tabing dagat.

Ilang administrasyon na ang nagdaan pero tila ang pagtatapon ng basura sa kung saan-saan ay hindi pa rin maitama ng mga Filipino.

May mga patalastas na rin sa telebisyon at radyo hinggil sa tamang pagtatapon ng basura pero pagda­ting ng kalamidad ay bubungad sa publiko ang mga basurang itinapon sa mga kanal at imburnal. Ibig sabihin lang nito, hindi talaga sumusunod ang mga Filipino.

Walang kadala-dala ang mga Pinoy dahil hanggang ngayon ay basura pa rin ang unang­ mapapansin kapag nakaranas ng matinding pagbaha dulot ng bagyo o habagat.

Nakakadismayang tingnan sa social media ang larawan ng mga lugar kung saan tambak ang mga basurang hindi pa rin nahahakot kahit tapos na ang pagbaha dulot ng masamang panahon.

Sa Manila Bay pa lamang ay daan-daang tonelada ng basura ang nahakot ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) at mga vo­lunteer group na tumulong para malinis agad ang lugar.

Bagama’t ikinakatuwirang hindi lamang sa Metro Manila ga­ling ang mga basura kundi nagmula ang iba sa Cavite at ibang bayan na malapit sa dagat, hindi ito dahilan para hayaang maulit na naman ito sa ibang pagkakataon.

Hindi naman mahirap sumunod sa simpleng paalala ng gobyerno, ang problema ay matigas ang ulo ng mga Pinoy at kulang sa disiplina.
Kaya nga araw-araw ay may naghahakot ng basura na kinomisyon ng munisipyo o city hall dahil bahagi ng tungkulin ng mga lokal na opisyal na tiyakin ang malinis na nasasakupan.

Ang problema lamang, maraming mamamayan na walang pakialam at basta-basta na lamang nagtatapon ng basura o kalat sa mga kanto o sa kanal na kalaunan ay nagiging dahilan para bumara sa mga daluyan kaya nagkakaroon ng baha.

Wala na rin kasi ang mga nanghuhuli sa mga nagtatapon sa maling lugar kaya walang nakukulong at nasasampulan.

Siguro panahon na ulit maging aktibo ang mga barangay sa pag­huli ng mga walang disiplinang Pinoy, bigyan ng leksiyon ang mga ito at ikulong para matuto dahil kapag hinayaan ay mga basura na ang susunod na maging delubyo ng mga Pinoy.